Bilang pagtugon sa epekto ng climate change sa sektor ng agrikultura, sinanay ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project Regional Project Coordination Office Calabarzon ang mga lokal na pamahalaan sa paggawa ng makabagong Provincial Commodity Investment Plan (PCIP).
Ang PCIP ay isang dokumento na nilalaman ang mga pangunahing areas of investment ng isang LGU base sa mga nakitang isyu o mga pangangailangan sa value chain ng isang produktong agrikultural o isdaan. Sa bagong bersyon nito, isasaalang-alang dito ang climate change at iba pang mga panganib na maaaring maapektuhan ang seguridad ng pagkain.
Tinuruan ang mga kalahok sa pagtukoy ng mga pangunahing investment areas sa pamamagitan ng risk profiling, at pagbibigay ng risk management measures. Ipinakilala din ng DA-PRDP 4A sa mga kalahok ang ilang bagong tools tulad ng multi-factor risk assessment, integrated spatial planning framework, at social and environmental safeguards early screening.
Ipinahayag ng mga LGUs na kanilang aayusin ang kanilang PCIPs gamit ang mga bagong lente at tools. Ilan sa mga isasaayos na mga plano ay patungkol sa kape (Cavite at Quezon), cacao (Laguna), at pinya (Batangas at Rizal). Inaasahang matapos nila ito ngayong taon.
“Sa pamamagitan ng pagsaalang-alang ng climate resilience sa ating mga PCIPs, makakabuo tayo ng pundasyon para sa ating pag-unlad habang pinoproteksyunan ang ating kalikasan at hanapbuhay ng ating mga kababayan,” pahayag ni DA-PRDP Project Support Office South Luzon I-PLAN Component Head Jo Libarnes.#