Para palawakin pa ang kampanya sa pagpapatupad ng Food Lane Project sa CALABARZON, ang Kagawaran ng Pagsasaka sa nasabing rehiyon, Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) 4A, Metro-Manila Development Authority (MMDA) ay muling naglunsad ng pagsasanay sa mga trucking services at kanilang mga drivers noong ika-3 ng Setyembre 2019 sa PhilMech Conference Room, ATI Bldg., Elliptical Road, Diliman, Q.C.
Ang Food Lane Projects ay naglalayon na maibsan ang bayarin ng mga truck na may dalang “agricultural products” na ipinapatupad ng mga lokal na pamahalaan at mapabilis ang pagdadala ng mga ito sa pamilihang bayan.
Sa pagbubukas ng palatuntunan, ipinaliwanag ni Editha M Salavosa, Hepe ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ang kahalagahan ng proyekto lalo na ang mga may-ari ng sasakyan at nagmamaneho. “Kailangan din natin ang maayos at nakakondisyong sasakyan, at ang maingat na pagmamaneho. Ito ay upang mapanatili ang kalidad ng mga “agricultural products” at maingatan din ang kalusugan ng mga ibinabiyaheng hayop, dahil ang dinadala ng inyong sasakyan ay pagkain para sa mga mamamayan.”
Ang mga trucking services na naikiisa sa pagsasanay ay ang; GMJ Andaya Food Distributor, E.P. Montalbo Trucking Services, Frenz Hauling & Transport Inc., Loida and Derrick Hog Trading, Jun and Josephine Fruits & Vegetables Trading, Zorem STEM Farms, Quezon Poultry and Livestock Corp. Micko’s Tranding, White Dragon Trucking Services at Rom Roem Marketing.
Naging taga-pagturo sina: Justin Marco M. Vivas, Market Specialist II ng AMAD; Engr. Emelita V. Danganan, Local Government Operations Officer V, Bureau of Local Government Supervision (BLDS), DILG; PMaj. Felipe B. Eleponga, Regional Highway Patrol Group (RHOU) 41, PNP at Miguel E. Panal, Chief Inspectorate, MMDA.
Ang matagumpay na pagsasanay ay pinangunahan ng grupo ng Agribusiness and Assistance Division (AMAD) ng Pagsasaka, CALABARZON. #NRB-RAFID IV