Limampung mahihirap na kababaihan ng Maraouy, Lipa City, Batangas ang kasalukuyang nag-aaral ng livelihood program na isinasagawa ng Lipa Agricultural Research and Experiment Station (LARES) ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehion 4-CALABARZON at ng University of Batangas Lipa Campus (UBLC).
Ang pag-aaral ay inumpisahan pa noong buwan ng Disyembre 2018 at matatapos ngayong buwan ng Hunyo 2019. Ito ay naglalayon na matulungan silang maiangat ang kanilang kabuhayan at maging ganap na mga business entrepreneur.
Ang mga paksang kanilang tinalakay ay tungkol sa Business Planning on White Corn and Livelihood for Indigents of Maraouy na tinalakay ni Prof. Jay-Ar C. Dimaculangan, Dean College of Business, Accounting & Auditing ng UBLC noong ika-11 ng Hunyo sa LARES.
Nagpasalamat si Gng. Avelita D. Rosales, Regional Corn Coordinator at Hepe ng LARES sa patuloy na pagtangkilik ng mga grupo sa kanilang pag-aaral at sa sipag na kanilang ipinapamalas. Pinarangalan din niya ang grupo dahil sa maiksing panahon nakarehistro na ito sa DOLE bilang ganap na samahan.
Sa kanyang mensahe, ipinaliwanag naman ni Regional Technical Director Elmer T. Ferry ng Regulatory and Research ang kahalagahan ng salitang “consistent”. Sinabi ni RTD Ferry, “na maging consistent sa inyong ginagawa, sa pagdalo at pag-aaral upang lubos ninyong maintindihan, maisabuhay at maisagawa ang inyong pinag-aaralan. Sa malayang pananaw, ay binabati ko na kayo sa inyong tagumpay.”
Nagbigay din ng pananalita si Professor Rodel Fano at ipinagmalaki naman ng kanilang Coordinator na si G. Polly Maranan ang 1.4 ektaryang lupa na ipapahiram sa kanila na pagtatamnan ng balinghoy at ang marketing linkage ng kanilang produkto. • NRB, DA-RAFIS