Local Value Chain, isinusulong ng DA-4A sa mga klaster ng magpapalay sa rehiyon

 

 

Isinulong ng programang Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) ng Department of Agriculture IV-A CALABARZON (DA-4A) ang pagkakaroon ng Local Value Chain sa bawat klaster ng magpapalay upang malaman ang lawak ng pagbebenta ng kanilang mga produkto sa rehiyon.

Ito ay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng enterprise assessment at local value chain activities sa bawat klaster sa rehiyon. Noong ika-8 hanggang ika-9 ay naging kalahok ng aktibidad na ito ang mga magpapalay mula sa Calauag Rice Farmers Federation at Tayumanin Irrigators Association Inc. ng Calauag at San Francisco, Quezon.

Natukoy ng F2C2 na ang parehong samahan ay mayroong Cluster Maturity Level na Start-Up kung saan mayroon pang ilang parameter ang kailangan nilang punan at i-organisa tulad ng kanilang estratehiya sa pagbebenta, dami ng produkto, at mga gampanin ng kanilang mga opisyal o miyembro. Sa pamamagitan nito ay nalaman ng F2C2 ang mga pangangailangan ng samahan na maaaring ilapat sa kanilang Cluster Development Plan upang malaman din ng Rice Banner Program ang mga interbensyon na kailangan nilang matanggap.

Ani F2C2 Report Officer G. Jhasster Buendia, nakakatulong ang aktibidad upang makilala kung sinong mga opisyal ng klaster ang nangangailangan ng capacity building, at ang mga nagnanais maging DA CSO Accredited para sa patuloy na pagtanggap ng benepisyo at interbensyon mula sa DA-4A.

Kasangga ng F2C2 sa aktibidad na ito ang DA-4A Rice Banner Program at mga kinatawan ng APCO Quezon na sina G. John Paolo Matuto at G. Jonathan Zurbano.#### (Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)