Upang higit na mapaganda o maisaayos ang sistema ng pag-uulat ng mga Agricultural Extension Worker (AEWs) ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon 4-CALABARZON, nagkaroon ng pagsasanay tungkol sa tamang pangangalap ng impormasyon at sistema ng pag-uulat na ginanap sa Sta. Cruz, Laguna noong Marso 13 – 15, 2019.
Sa pagbubukas ng palatuntunan, ipinaliwanag ni Dennis R. Arpia, Hepe ng Operations Division ang kahalagahan ng tatlong araw na pagsasanay. Idinagdag pa niya na, “Ang mabilis, tamang datos, at impormasyon na nakukuha sa mga ulat na isinusumite ay siyang basehan ng pamunuan para sa maayos na pagpaplano, tamang desisyon, pantay na pamamahagi ng tulong, at pamimili ng angkop na mga kagamitang pangsaka o mga input na ipinagkakaloob sa mga magsasaka.”
Tinalakay at iniugnay din niya ang tamang impormasyon na maaaring ipamahagi ng mga AEW sa mga magsasaka at mangingisda tungkol na El Niño, Rice Trade Liberalization Law, at mekanisasyon.
Ang tatlong araw na pagsasanay na dinaluhan ng mga tauhan ng Regional Rice Program, mga provincial rice coordinator, report officer, at kinatawan ng mga Agricultural Program Coordinating Officer (APCOs) ay isang paraan para himay-himayin at bigyang kasagutan ang mga komento, mungkahi, o problema na kanilang nakukuha base sa datos na isinusumite naman sa central office at sa Philippine Statistics Authority. • NRB