Kasalukuyang nagsasagawa ng “Basic Training on Rice Inbred Seed Production and Certification” sa Sta. Cruz, Laguna na nag-umpisa noong Abril 1 at matatapos sa Abril 5, 2019.
Ang nasabing pagsasanay ay isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon 4-CALABARZON Regional Rice Program, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Rice Research Institute (PhilRice) at Bureau of Plant Industry – National Seed Quality Control Services (BPI-NSQCS), at naglalayon na muling linangin ang kaalaman ng mga seed growers’ association sa produksyon ng inbred at turuan ang mga bagong magsasaka na gustong maging mga seed grower. Binigyang-pansin din sa pag-aaral na ito ang kalagayan ng pagpapalayan ng bawat lalawigan, ang kakulangan ng binhi ng palay sa CALABARZON, at kung papaano makakatulong ang PhilRice sa mga binhing kailangan ng mga magsasaka.
Ang nagbigay ng pambungad na pananalita ay si Director Rhemilyn Z. Relado ng PhilRice, Los Baños, Laguna. Ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng isang magandang binhi na siyang pinagmumulan ng magandang ani ng palay.
Ang kumatawan kay Regional Executive Director Arnel V. de Mesa ng Kagawaran ng Pagsasaka ay si Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Antonio C. Visitation ng Laguna. Kaniyang hiniling sa mga seed grower na palakasin ang kanilang hanay upang makatulong at mapunan ang malaking kakulangan ng binhi sa CALABARZON. Sinabi pa niya na dapat magkaisa at bumuo sila ng samahan dahil ito lamang ang natatanging paraan para mabilis na makarating ang mga ayudang ipinamamahagi ng Kagawaran.
Sa kabilang dako, si APCO Visitacion din ang naging tagapagsalita para sa mga Local Farmer Technician (LFTs) ng CALABARZON sa isinagawang “Training Course on System of Rice Intensification and Product Stewardship” ng Agricultural Training Institute (ATI). Ang paksa na kaniyang tinalakay ay ang kalagayan ng Pagpapalayan sa CALABARZON, ang ambag nito sa kaban ng bansa, at ang Rice Trade Liberalization Law (Republic Act No. 11203). • NRB