« of 4 »

 

“Bago matapos ang taon, ang mga magbababoy na nakipagtulungan at nagsakripisyo ng kanilang alaga sa DA-4A kaugnay ng pagpigil sa pagkalat ng sakit na African Swine Fever (ASF) ay matatanggap na ang kanilang bayad-pinsala. Ito ay patunay na hindi sumisira sa pangako ang ating pamahalaan.”

Ito ang pahayag ni Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan sa pamamahagi ng indemnification o bayad-pinsala na muling sinimulan noong ika-18 ng Nobyembre sa Laurel at sa San Jose, Batangas.

Ito ay matapos mailabas ang pondo mula sa Department of Budget and Management upang mabayaran ang mga natira pang magbababoy na nagsakripisyo ng kanilang baboy sa panahong nagde-depopulate ang DA-4A sa mga lugar na naapektuhan ng ASF.

Nasimulan nang ipamahagi noong 2019 hanggang 2020 ang P226,931,000 halaga ng indemnification para sa 6,871 na magbababoy sa rehiyon.

Sinimulan na rin ngayong taon ang pamamahagi ng natitirang P79,350,000 halaga ng indemnification sa 536 magbababoy mula sa mga bayan ng Taal, Cuenca, Nasugbu, Laurel, San Jose, at San Juan sa probinsya ng Batangas at sa lungsod ng Lucena sa probinsya ng Quezon.

Inaasahang matatapos ngayong taon ang pamamahagi ng indemnification sa natitirang 1,417 magbababoy sa rehiyon.

“Masaya ako dahil tinupad ng DA ang kanilang pangako na babayaran ang aming baboy. Handa na kaming magsimulang muli sa aming babuyan dahil may gagamitin na kaming puhunan,” ani Sofia D. Rodriguez, magbababoy mula Brgy. Buso-buso.

Binigyang diin naman ni Regional Director Dimaculangan ang kahalagahan ng pagseseguro ng alagang baboy sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).

Nasa P10,000 kung palakihin at P14,000 kung inahin ang matatanggap ng mga magbababoy sa PCIC sakaling mamatay ang kanilang alaga dahil sa ASF.
#### (✍Reina Beatriz P. Peralta, 📸Ma. Betina Andrea P. Perez, DA-4A, RAFIS)