Aabot sa P2,091,751 milyong halaga ng Mango Processing Facility ang matatanggap ng Batangas Mango Growers’ Association mula sa Department of Agriculture IV-
CALABARZON (DA-4A) na pormal na iginawad sa isinagawang ground breaking ceremony, noong ika-10 ng Mayo, sa San Pascual, Batangas.
Layon ng ahensya na tulungan ang nasabing mga magmamangga na makapagproseso, makapagpreserba, at maiwasan ang pagkasayang ng labis na aning mangga.
Kasabay nito, maipagkakaloob din sa kanila ang mga pangprosesong kagamitan, pasteurizer at juicer na nagkakahalaga ng nasa P288,000.
Ayon kay DA-4A OIC-Regional Executive Director Fidel Libao, ito ay tulong na handog ng Kagawaran hindi lamang para sa mga magmamangga ng San Pascual kundi ng buong lalawigan. Aniya, handang tumulong pa ang kagawaran sa abot ng makakaya upang mas mapaunlad pa ang nasabing industriya.
Pasasalamat naman ang ipinaabot ni San Pascual Mayor Antonio Dimayuga sa ahensya at napili ang kanilang bayan upang pagtayuan ng pasilidad. Ibinahagi niya na ito ay malaking tulong upang mas makilala pa ang ipinagmamalaki nilang matatamis na mangga. #### (Bryan E. Katigbak, DA-4A RAFIS)