Nakatanggap ng P1,310,000 halaga ng tulong-pinansyal ang 262 magpapalay at ng P3,105,000 naman sa 87 magbababoy mula sa bayan ng Infanta, sa lalawigan ng Quezon mula sa Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) noong ika-16 ng Disyembre.
Ito ay kaugnay ng distribusyon ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) at bayad-pinsala sa mga magbababoy na nagsakripisyo ng kanilang alaga kaugnay ng pagkontrol sa paglaganap ng African Swine Fever na isinagawa ng Kagawaran nitong mga nagdaang araw sa iba’t ibang panig ng rehiyon.
“Marami nang naipamahaging tulong ang DA; isa lamang itong RCEF-RFFA sa mga pamamaraan para ipakita ang patuloy na suporta ng Kagawaran sa ating mga magsasaka. Kaya naman, sana ay gastusin natin ito nang maayos upang mas madama pa ninyo ang tulong ng Kagawaran,” ayon kay Regional Technical Director for Research and Regulations Engr. Marcos C. Aves, Sr.
Ang RCEF-RFFA ay alinsunod sa Republic Act No. 11203 o ang “Rice Tariffication Law (RTL)” na kung saan ang taripang kinukuha mula sa inaangkat na bigas ay inilalaan sa mga tulong na ipinagkakaloob ng DA sa mga magpapalay katulad na lamang ng nasabing tulong-pinansyal.
Sa RCEF-RFFA, bawat maliit na magpapalay na nagsasaka ng hindi hihigit sa isang ektaryang lupa ay pinagkakalooban ng P5,000.
Bahagi naman ng programa ng DA na Bantay ASF sa Baranggay (BABay ASF) ang pamamahagi sa mga magbababoy ng P5,000 kada baboy na kanilang isinakripisyo noong nagsagawa ng depopulation.
“Napakasaya ko. Parang panibagong pag-asa, panibagong simula. Tamang-tama ang timing dahil magpapasko at magbabagong taon. Salamat sa Department of Agriculture,” ani Rommel Ritual, magbababoy mula Infanta.
#### (✍📸 Jerwin G. de Chavez, DA-4A RAFIS)