Karagdagang 1,038 na magpapalay mula sa mga bayan ng Alabat, Quezon, at Perez ng lalawigan ng Quezon ang nakatanggap ng tig-lilimang libong piso sa ginanap na Rice Competitiveness Enhancement Fund Rice Farmers Financial Assistance o RCEF-RFFA noong ika-1 ng Disyembre, sa Alabat, Quezon.
Aabot sa P5,190,000 milyong pisong halaga ang naipamahagi sa mga benepisyaryo bilang bahagi ng implementasyon ng Republic Act (RA) No. 11203 o “Rice Tariffication Law” kung saan ang bawat magpapalay na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at mayroong sinasaka na hindi lalagpas sa dalawang ektarya ay makakatanggap ng tulong-pinansyal.
Ibinahagi ni Rolando Cuasay, hepe ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Quezon Agricultural Programs Coordinating Office, na naging susi ang magandang ugnayan ng nasyunal, panlalawigan, at lokal na pamahalaan upang maisakatuparan ang layunin ng RCEF-RFFA. Dagdag pa niya, nawa’y patuloy rin na bumuo ng mga asosasyon at magkaisa ang mga magpapalay upang masiguro ang masagang produksyon ng ani.
Samantala ipinaabot ni Cong. Keith Micha “Atty. Mike” Tan, representante ng ika-apat na distrito ng Quezon, ang kanyang pasasalamat sa mga benepisyaro. Aniya, malaki ang gampanin ng sektor sa pagsisigurong sapat ang pagkain ng bansa. Ipinabatid niya na buo ang suporta ng kanyang tanggapan sa pagpapaunlad ng larangan sa pagsasaka.
Dumalo rin sa aktibidad sina Alabat, Quezon Mayor Jose Ramil Arquiza; Perez, Quezon Mayor Charizze Marie Escalona; Quezon, Quezon Councilor Rey Felismena; Bokal Harold Butardo at iba pang mga kawani ng DA-4A. #### (✍📸: Jayvee Amir P. Ergino)