Upang patuloy na masugpo ang paglaganap ng Rice Black Bug (RBB) sa rehiyon, isinagawa ng Department of Agriculture Region IV-CALABARZON (DA-4A) Regulatory Division Plant Pest and Animal Diseases Monitoring, Surveillance and Early Warning Section (PPADMSEWS) ang pagsasanay patungkol sa tamang pamamaraan ng pagkontrol ng RBB sa sakahan, noong ika-14 ng Setyembre, sa Tiaong, Quezon.

Ang RBB ay karaniwang matatagpuan sa mga irigadong sakahan. Ito ay nagdudulot ng pagkasunog ng palayan o Bugburn. Karaniwang dumarami ito sa panahon ng tag-ulan. Ang adult na RBB ay umaatake sa palay, 3 – 4 na linggo makalipas ang paglilipat ng mga seedlings sa sakahan.

Bahagi ng aktibidad ang pest validation at pagbabahagi ng kaalaman patungkol sa iba’t ibang mapaminsalang insekto sa palayan na dinaluhan ng 13 magpapalay.

 

Kasabay nito, nagbahagi ang ahensya ng mga kaibigang amag na metarhizium at beauveria na makakatulong sa mga magpapalay na masugpo ang inpestasyon ng mga insekto.

Patuloy na isinasagawa ng DA-4A Regulatory Division-PPADMSEWS ang monitoring at pest validation sa rehiyon upang tuluyan nang masugpo ang paglaganap ng mga mapaminsalang insekto. #### (✍🏻: Jayvee Amir P. Ergino; 📸 :Jun Villarante & Dhu Mendoza)