Umani ng 9.2 tons sa kada isang ektaryang palayan si Fernando Mindanao ng San Juan, Batangas sa unang kwarter ng 2024 buhat ang itinanim na hybrid na binhing palay na ipinamahagi ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Rice Program noong nakaraang taon.
Sa 30 kilos na nakuha niyang hybrid na binhing NK 5017 para sa kanyang dalawang ektaryang palayan ay umabot sa 355 sako ang kanyang naani na may bigat na 52 kilos kada sako.
Ayon kay Mindanao, ito ang naitalang pinakamataas na ani ani niya sa buhay pagsasaka at nang makahingi sa Kagawaran ng hybrid na binhi ay hindi niya ito ginamit agad, bagkos ay hinintay niya muna ang akmang panahon ng tag-araw bago magtanim. Aniya, nakatulong din ang dagdag pang bigay ng Kagawaran na foliar fertilizer at mga pagsasanay kung saan natuto siya ng tamang tiyempo ng paglalagay ng abono.
Nakakuha si Mindanao ng nasabing binhi mula sa mga ibinabang interbensyon ng Kagawaran sa Provincial Hybrid Rice Cluster na kinabibilangan niya sa San Juan, Batangas, ang Masaganang Magsasaka ng Talahiban Uno at Dos, sa tulong ng Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program.
Samantala, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga pagsasanay at oryentasyon ay inaasahan na patuloy ang DA-4A F2C2 at Rice Program sa paghikayat sa mga magsasaka sa paggamit ng hybrid na palay tungo sa mas mataas na produksyon at ani. ####
(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)