Susubok na makapagtanim ng puting mais sa kauna-unahang pagkakataon ang 28 magsasaka ng palay at gulay mula sa lungsod ng Calamba, Laguna sa tulong ng Farmers’ Field School (FFS) na isinasagawa ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa ilalim ng Corn Program.
Mga magsasaka mula sa mga baranggay ng Rizal, Banlic, Mayapa, Parian, San Jose, San Cristobal, San Juan, La Mesa, Halang, Uwisan, at Look ang dumalo at nakilahok sa nasabing aktibidad.
Layunin ng FFS na matulungan at maturuan ang mga magsasaka na makapagtanim ng puting mais upang mapakinabangan pa rin nila ang kanilang lupang sakahan sa panahong nakapahinga ito sa pagtatanim ng palay at gulay.
Mahalaga para sa kalusugan ng lupang sakahan ang crop rotation o ang pagpapalit ng mga pananim bawat pagtapos ng panahon ng pag-aani dahil napapalitan nito ang mga nawalang sustansya ng lupa at naiiwasan ang pananatili at pagdami ng mga peste sa sakahan.
Bahagi ng FFS ang mga pagsasanay tungkol sa pag-aanalisa ng lupang sakahan, pamamahala at pagkontrol sa mga peste sa taniman gaya ng fall armyworm, mga yugto ng pagtatanim ng mais, at ang tamang pagtatala o record keeping.
Matatapos ang serye ng mga pagsasanay sa Setyembre na siyang simula naman ng panahon ng pagtatanim ng puting mais. Dito ay susubukin ng mga magsasaka ang kanilang natutunan mula sa dinaluhang FFS.
“Nagpapasalamat kami sa FFS na ito ng DA dahil malaking tulong na may bagong natututunan kahit kaming mga experienced na magsasaka. Siguradong dagdag-kita kapag natutunan naming maitanim nang maayos ‘yong mais,” ani Nilo I. Baron, maggugulay. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)
[Mga Larawan mula kay Bb. Marissa G. Sanchez, Corn Coordinator ng Office of the City Agriculturist ng Calamba, Laguna]