Mahigit ₱31 milyon na tulong pang-agrikultura, ipinamahagi ng DA Calabarzon sa Quezon

 

 

Higit ₱31 milyong halaga ng tulong pang-agrikultura ang ipinamahagi sa mga benepisyaryong magsasaka ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA IV-A) sa General Nakar,Quezon, noong ika-19 ng Setyembre.

Nakatanggap ng tig-limang libong piso ang 484 magsasaka mula sa General Nakar at Infanta sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund – Rice Farmers Financial Assistance (RCEF RFFA) Program. Ang ipinamahaging tulong-pinansyal ay mula sa labis na taripanakolekta mula sa implementasyon ng RCEF na hango sa Republic Act (RA) No. 11203 o ang “Rice Tariffication Law (RTL).”

Kasabay ng cash assistance ay ang pamamahagi ng Intervention Monitoring Card (IMC) na naglalaman ng mga pangunahing impormasyon at ang Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) number ng mga magsasaka. Ito ay magagamit sa pagkuha ng mga magsasaka ng iba pang mga interbensyon mula sa DA-IV A.

Sa naturang aktibidad ay inihandog din ang mahigit sa pitong milyong pisong halaga ng makinarya at mahigit ₱22 milyon halaga ng proyektong pang-irigasyon para sa ilang organisadong samahan ng mga magsasaka. Ang mga makinaryang ibinigay ay combine harvester, four wheel tractor with rotavator, recirculating dryer with generator, and multi-purpose applicators. Ang mga proyektong pang-irigasyon naman ay para sa pagsasagawa ng Solar Pump, Canal Lining at Canal Structures sa Maligaya, at para sa konstruksyon ng diberyson sa dam.

Namahagi rin ng mga binhi para sa implementasyon ng Gulayan sa Barangay para sa 19 barangays ng lalawigan sa ilalim ng tatlong klaster ng Ilaya, Baybay, at Kabilugan.

Nagpasalamat ang mga dumalong magsasaka sa malaking tulong na hatid ng cash assistance at mga interbensyon ng DA-IV A upang mapadali at mapabilis ang kanilang pagtatanim at paggagawa ng mga produkto.

Kasama ng DA-IV A ang Development Bank of the Philippines sa pamamahagi ng cash assistance. Kasama naman sa pagbibigay ng mga interbensyon at proyektong pang-irigasyon ang DA-IV A Regional Agriculture Engineering Division (RAED), DA-IV A Rice Banner Program, at National Irrigation Administration (NIA) Quezon Irrigation Management Office (IMO).

Kinilala naman bilang benepisyaryo ng naturang aktibidad ang mga samahan ng Brgy. Balobo Farmers Association, Brgy. Anibong Small Fisherfolks and Farmers Association, Samahan ng mga Magsasaka at Mangingisda ng Brgy. Bacong, Likas na Magsasaka ng Brgy. Ilog, Barangay Abiawin Farmers Association, Masayahen Nakar Irrigators’ Association, Maligaya Irrigators Association, at Mahabang Lalim Farmers Association.#### (Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)