Dinaluhan ng 589 na kabataan mula sa mga probinsya ng Batangas at Quezon ang Information Caravan on Agriculture for Youth ng Department of Agriculture IV-CALABARZON Regional Agriculture and Fisheries Information Section (DA-4A RAFIS) noong ika-20 hanggang 21 ng Oktubre.
Layunin ng aktibidad, na may temang “Kabataan Pag-asa ng Bayan, Pag-asa ng Sakahan,” na mabigyan ng dagdag na kaalaman tungkol sa sektor ng agrikultura at mahikayat ang mga kabataan na maging bahagi nito.
Birtwal itong ginanap na dinaluhan ng mga naimbitahang kabataan, na karamihan ay junior at senior high school, ng Department of Education (DepEd) Regional Office, mga guro, at lokal na pamahalaan ng mga munisipalidad.
“’Yong matatandang farmers ay hindi nagsimula as farmers. Naisip na lang nilang maging farmers as they grow old. And media plays a vital role. Napakakaunti ng contents na ibinibida ang farmers. If mai-introduce nang mas maaga sa kabataan ang importansya ng agrikultura, ano ang pwedeng aralin about agriculture, mako-consider na nila ito as one of their options when they reach to a certain point na mapapaisip na sila kung ano ang gustong gawin,” paliwanang ni G. Radel F. Llagas, DA-4A RAFIS Chief.
Sa aktibidad ay pinagkompara ng naimbitahang tagapagsalita na si G. Reden “Agrillennial” Costales, may-ari ng sakahan, ang pinagkaiba ng pagsasaka noon at ngayon. Sa kaniyang pagbabahagi ay nakita na napakalaki na ng pagbabago sa sakahan dahil sa mga makabagong pamamaraan at makinarya na nagpapadali sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Pinatunayan naman ni G. Jim Leonardo Cano, board member ng Philippine Association of Agriculturists, na hindi nalilimitahan sa pagtatanim sa bukid ang trabaho sa sektor. Kaniyang ipinakilala at ipinaliwanag ang iba’t ibang aspetong bumubuo sa agrikultura, mula produksyon hanggang sa pagbebenta ng mga produkto sa pamilihan.
Samantala, ipinakilala naman ni DA-4A Planning, Monitoring, and Evaluation Division (PMED) Chief Maria Ella Cecilia B. Obligado ang mga programa ng Kagawaran para sa mga kabataan gaya ng scholarship, financial loan, at financial grant assistance. Ibinahagi rin niya ang mga makabagong teknolohiya na ginagamit ng Kagawaran upang lalong mapabilis ang pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka.
“Nawa sa pamamagitan ng Info Caravan na ito ay nasagot namin ang inyong mga katanungan tungkol sa sektor, mga kurso, at mga programa at serbisyo ng Kagawaran ng Pagsasaka na pwede ninyong ma-avail,” ani OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan.
“Puno ito [Information Caravan] ng impormasyon at mga suhestyon tungkol sa agrikultura. Nagbigay din ito ng kalinawan tungkol sa business opportunities na pwedeng makamit ng bawat isa,” Bb. Jhoanne M. Luistro, mag-aaral mula San Juan, Batangas.
“Malaking tulong ito upang malaman ang kahalagahan ng agrikultura. Na kaya may laman ang lahat ng hapag-kainan ay dahil sa mga nagtatrabaho sa sektor na ito. Nagpapasasalamat ako sa nag-invite sa akin dahil marami akong natutunan. Maraming opportunity ang isang agriculture student. Dahil diyan, mas lumakas ang loob ko na mag-aral nang mabuti,” ani Rommel T. Ritual, mag-aaral mula General Nakar, Quezon.
“Thank you po for considering our agricultural young learners as pag-asa ng bayan o sakahan. Sana po mapanatili ang ganito ninyong programa at activity. Malaking tulong po ito sa aming mga guro at mag-aaral,” ani Isabel P. Roger, guro mula Catanauan, Quezon.
Sunod na idaraos ang Information Caravan sa ika-27 hanggang 29 ng buwan na dadaluhan naman ng mga kabataan mula sa mga probinsya ng Cavite, Laguna, at Rizal. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)