Bilang tulong sa mga magsasaka ng mga probinsya ng Batangas at Cavite na naapektuhan ang kabuhayan ng dahil sa pagputok ng bulkang Taal, namahagi ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ng P407,646,190 halaga ng interbensyon mula sa Rehabilitation and Recovery Plan (RRP) noong ika-9 ng Nobyembre.
Ang RRP na nagkakahalaga ng P813,813,300 ay inilaan para sa mga magsasaka ng Batangas, Cavite, at Laguna – mga lugar na labis na naapektuhan ng pag-aalburoto ng bulkang Taal.
P379,901,500 mula sa kabuuang pondo ang agad na naipamahagi nang sumabog ang bulkan noong nakaraang taon.
“Batid po ng Kagawaran ang malaking epekto sa inyong kabuhayan ng pagputok ng bulkang Taal. Kaya mula noong nakaraang taon ay patuloy tayo sa paghahatid ng mga interbensyon upang kayo ay agad na makabangon. Ito ay sa pamamagitan ng masusi at matyagang implementasyon ng Taal Rehabilitation and Recovery Plan,” ani DA-4A OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan na kasama ni DA Secretary William D. Dar, sa pangunguna sa naturang aktibidad.
“Ang mga insentibong ito na ibinibigay sa mga magsasaka ay patunay na nandito palagi ang Kagawaran ng Pagsasaka na tumutulong agad kapag may sakuna. Ito ay nang sa gano’n ay ang sektor ng agrikultura ay aangat uli. Sana tuluy-tuloy ang ating pagsisikap, sapagkat kayo ang nagpapakain sa mamamayang Pilipino,” dagdag ni DA Secretary Dar.
Certified seeds, urea fertilizers, mga pestisidyo, UV plastic, pump and engine set, mesh net, water plastic drum, knapsack sprayer, power sprayer, corn sheller, coffee dryer, four-wheeled drive tractor, garden tools, grass cutter, hermetic bag, nursery, pruning saw at shear, pump irrigation system, seedling tray, shredder machine, soil digger, botanical concoction, greenhouse, at wood vinegar chamber ang ilan sa mga interbensyong ipinamahagi.
“Napakalaking tulong po talaga nitong mga ibinigay ninyo [DA-4A]. Hindi na kami manghihiram ng mga kagamitan at maeengganyo na uli ang aming mga magsasaka na magtanim. Nahihirapan kasi kami ngayong nag-aalburoto ang bulkan. Naninilaw ‘yong mga dahon ng mga pananim namin dahil sa abo,” ani Annabelle C. Orlanes, pangulo ng Poblacion II Farmers’ Association.
Dinaluhan din nina Undersecretary for Operations and Agri-Fisheries Mechanization Engr. Ariel T. Cayanan, DA Assistant Secretary for Operations Engr. Arnel V. de Mesa, at iba pang opisyal ng DA at attached agencies nito; DA-4A Regional Technical Director (RTD) for Operations Engr. Abelardo R. Bragas, RTD for Research and Regulations Engr. Marcos C. Aves, Sr., at iba pang mga opisyal at empleyado ng DA-4A; Laurel Mayor Joan Lumbres-Amo at mga kasama; at Silang Mayor Socorro Rosario F. Poblete at mga kasama. #### (Reina Beatriz P. Peralta/Ma. Betina Andrea P. Perez, DA-4A RAFIS)