“Bilang big brother, pangarap namin ang makatulong sa aming small brothers. Kinakailangan talaga ang pagkakaisa para maabot ang pag-asenso sa pagsasaka.”
Ito ang pahayag ni Patricio C. Asis, chairman ng SANTAMASI Irrigators’ Association, sa idinaos na capacity building at specialized training ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) noong ika-1 hanggang 3 ng Disyembre para sa mga pinuno ng rice farmers’ cooperatives and associations (FCAs) clusters sa Laguna.
Ito ay bahagi ng Bayanihan Agricultural Clustering (BAC) Program sa ilalim ng labing-walong (18) pangunahing estratehiya ng DA na kung saan pinagsama sa iisang cluster ang FCAs na may magkakalapit na palayan upang makabuo ng isang daang (100) ektaryang sakahan.
Bukod sa suporta sa produksyon na ipinagkakaloob ng DA-4A, ipinapatupad din sa BAC Program ang Big Brother-Small Brother System sa mga magkakasama sa cluster nang sa ganoon ay sama-sama silang makakamit ng masaganang ani at mataas na kita.
Ang “big brother,” o ang FCA na pinakaasensado sa lahat ng mga nasa cluster, ang tumutulong at gumagabay sa “small brothers,” o ang maliliit na magsasaka na kalimitan ay kabilang sa mga kabubuo pa lamang na FCAs, mula land preparation hanggang postharvest at marketing stage.
Ilan sa ibinibigay na tulong ng big brother ay ang pagbebenta sa mga magpapalay ng farm inputs tulad ng mga binhi at abono sa mas murang halaga, pagpapahiram o murang pagpapaarkila ng mga makinarya sa pagsasaka at processing facilities, at direktang pagbili ng mga produkto ng mga magpapalay sa mas mataas na halaga kumpara sa ibang middlemen.
Tinalakay sa pagsasanay ang mga pamamaraan kung paano matutulungan ng mga big brother na lalong pataasin ang kita ng mga magpapalay gaya ng marketing assistance, loan facilities, at crop insurance na maaaring ipagkaloob ng DA-4A.
“The purpose of the big brother is to help and assist the small brother to ease their burden in marketing and production of their products. Lahat ng kanilang mga problema in terms of those issues, we’re there to help. We’re minimizing the role of the middlemen,” ani Nestor T. Mendoza, chairman of the board of directors ng PASAMASI.
#### (📸Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)