Hinihikayat ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang mga cluster ng magpapalay sa rehiyon na isagawa ang System of Rice Intensification (SRI) sa tulong ng Farm and Fisheries Clustering and Consolidation Program (F2C2) at Rice Program.
Ang SRI ay isang teknolohikal na sistema ng pamamaraan ng pagtatanim ng palay na organiko, climate-friendly, at nakatutulong na makapagbigay ng mas mataas na ani sa mga magsasaka.
Kaugnay nito, tinitipon ng F2C2 at Rice Program ang mga cluster gaya ng Infanta General Nakar Producers Cooperative upang talakayin ang kahalagahan at mga hakbang sa matagumpay na pagsasagawa ng nasabing teknolohiya.
Ayon kay F2C2 at SRI Focal Person Jhoanna Santiago, itinuturo nila ito upang makaiwas ang mga magsasaka sa paggamit ng kemikal na abono at nang mas malaki ang matipid sa tubig at binhi. Sa paraang ito ay mas matatangkilik din ang organikong pagsasaka na patuloy ding pinapalawig ng Kagawaran.
Samantala, ang oryentasyon ukol sa SRI ay isinasagawa kalakip ng tuluyang pagmomonitor ng F2C2 sa kalagayan at pangangailangan ng mga cluster na inilalagay sa kani-kanilang Cluster Development Plan (CDP). #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)