Mga Kabataang Artist ng CALABARZON, Bumida sa Poster Making Contest ng DA-4A
Muling namayani sa paggawa ng poster ang mga mag-aaral ng rehiyon sa ginanap na Regional on- the-Spot Poster Making Contest na pinangunahan ng Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) noong ika-27 ng Setyembre sa Argosino Hall, Lipa Agricultural Research and Experiment Station, Batangas.
Mula sa 99 na mga kalahok na nagpasa ng kanilang paunang entri, 25 na mag-aaral mula sa ika-lima hanggang ika-anim na baitang ng iba’t-ibang paaralan ang napili upang sumabak sa naturang kompetisyon na may temang “RIGHT TO FOODS for a Better Life and a Better Future” na taunang ginaganap upang ipagdiwang ang World Food Day.
Pinangasiwaan naman ng Regional Agriculture and Fisheries Information Section (RAFIS) ng DA-4A ang pagbubukas ng kompetisyon.
Ani RAFIS Chief G. Radel Llagas sa kanyang pambungad na mensahe, ang partisipasyon ng mga kalahok ay isang mahalagang hakbang upang maipaalala sa lahat ang adhikain ng selebrasyon. Binigyang diin niya na ang bawat likhang sining ng mga kalahok ay nagbibigay- buhay sa adbokasiya na tinitiyak ang magandang buhay para sa bawat Pilipino.
Itinanghal bilang kampeon si Hannah Rowe Munasque ng Trece Martires, Cavite na nag-uwi rin ng premyong nagkakahalaga ng Php15,000. Sampung libong piso naman ang napanalunan ng 1st placer na si Mary Maddison Tegon, at limang libong piso para sa 2nd placer na si Klara Mendoza, ang dalawang mag-aaral ay parehong nagmula sa Batangas City. Nag-uwi naman ang ibang lumahok ang consolation prize na nagkakahalaga ng isang libong piso.
Ayon sa tagapagsanay ni Hannah na si G. Rolly Caño, iba ang dedikasyon sa pagsasanay ang binigay ng mag-aaral upang matanggap at magwagi sa kompetisyon. Ibinahagi rin niya ang kahalagahan ng suporta ng mga magulang upang mapagtagumpayan ng bata ang larangan na kanyang tinatahak.
Nagsilbing hurado sa naturang kompetisyon sina Quezon Agricultural Research and Experiment Station Chief G. Wilmer Faylon, DA-4A Youth Focal Person at Senior Research Specialist Bb. Hazel Reyes, at RAFIS Media Production Specialist G.Jonas Palma.
Ang aktibidad ay pinagtagumpayan ng Department of Agriculture kasama ang Department of Education at Food and Agriculture Organization ng United Nations. Magpapatuloy si Hannah bilang kinatawan ng CALABARZON sa pambansang antas ng kompetisyon na nakatakdang ganapin sa ika- 15 ng Oktubre sa Makati City.#### (Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)