Pinangunahan ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Research Division ang idinaos na Farmers’ Field Day (FFD) ng maggugulay ng Magallanes sa probinsya ng Cavite noong ika-11 ng Nobyembre.
Dito ay iprinisenta ng 59 na maggugulay mula sa mga baranggay ng Pacheco, Baliwag, Medina, San Agustin, at Ramirez ang mga itinanim nilang iba’t ibang gulay gaya ng kamatis, upo, at talong na bahagi ng proyektong “Outscaling of Agriculture-Based Farming System towards Good Agricultural Practices (GAP) Certification” na pinondohan ng DA-Bureau of Agricultural Research (DA-BAR) na sinumulan noong Setyembre 2020 at inaasahang matatapos sa Marso sa susunod na taon.
Ayon kay Gng. Virgilia D. Arellano, DA-4A Research Division Senior Science Specialist at project coordinator, pangunahing layunin nito na maging GAP-certified ang mga maggugulay.
Sa pamamagitan ng pagiging GAP certified, mas mapapalawak ng mga magsasaka ang kanilang market at mas magiging prayoridad ng institutional buyers gaya ng malalaking kainan at mga pribadong kompanya.
“Kami po ay nagpapasalamat sa ganitong klaseng proyekto ng DA-4A. Malaking tulong po ito sa amin dahil hindi lang basta napaparami at napapaganda ang aming mga ani, matutulungan pa kaming magkaroon ng mas maraming mamimili,” ani Nerissa R. Hernandez, kalihim ng Pacheco Agrarian Reform Cooperative.
Kinakailangang makamit ng mga magsasaka ang sumusunod na pamantayan upang maging GAP-certified: ang produktong pagkain ay dapat na ligtas at de-kalidad, inaalagaan ang kalikasan, at isinasaalang-alang ang kalusugan.
Upang makamit ng mga maggugulay ang pamantayan, sumailalim sila sa mga pagsasanay sa GAP na isinasagawa ng DA-4A mula nang magsimula ang proyekto. Inimplimenta rin nila ang kanilang mga natutunan sa kabuuan ng planting season gaya ng angkop na paglalagay ng mga abono at pestesidyo ayon sa isinagawang pagsusuri ng lupa ng Kagawaran.
Pinaplanong sumailalim sa inspeksyon ang mga maggugulay sa Pebrero ng susunod na taon. Ito ang huling hakbang para maging GAP-certified na ang mga maggugulay.
“Binabati ko po kayo sa inyong farmers’ field day. Kita naman po natin ang bunga ng ating pagsisikap. Sana ay magpatuloy tayo sa pagtutulungan upang makamit natin ang iisa nating hangarin na maging GAP-certified po kayo. Dahil po mas magiging malaki ang inyong laban sa merkado kapag na-certify kayo,” ani DA-4A Research Division OIC-Chief Eda F. Dimapilis.
Isa pa sa layunin ng proyekto ay ang tulungan ang mga maggugulay ng diversed farming o ang sabay-sabay na pagtatanim ng iba’t ibang uri ng gulay sa isang planting season. Sa pamamagitan nito ay mapapanatili ang kanilang mataas na kita kahit sa panahong ang ibang gulay na kanilang itinatanim ay mababa ang demand o presyo sa merkado. #### ( Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)