Pinangunahan ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Research Division, sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Maragondon, Cavite, ang idinaos na Farmers’ Field Day (FFD) noong ika-4 ng Nobyembre, 2021.
Sa aktibidad na ito ay ibinahagi ng mga magpapalay ang resulta ng wet season cropping at ikalawang panahon ng pagtatanim mula nang maumpisahan ang P5.9-M halaga ng proyektong “Outscaling of Integrated Rice-Based Farming System (Rice-Rice+Duck)” na pinondohan ng DA-Bureau of Agricultural Research (DA-BAR) na nagsimula noong Hulyo, 2020.
Ayon kay Gng. Elizabeth R. Gregorio, Senior Science Research Specialist ng DA-4A Research Division at tumatayong Project Leader, layunin ng proyekto na mapataas at mapaganda ang kalidad ng mga aning palay at magkaroon ng dagdag na pagkakakitaan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagsasama ng paghahayupan sa farming system.
Nilahukan ng 50 farmer-cooperators mula sa San Miguel, Garita, Brgy. Bucal 2 at Bucal 3 ang proyekto kung saan isinasagawa ang natural na pagkontrol at pag-aalis sa rice black bugs at golden apple snails, mga pangunahing peste sa palayan sa lugar, sa pamamagitan ng pagpapastol at pagpapakain sa mga ito sa mga itik.
Ang paggamit sa mga itik bilang alternatibo sa kemikal na pestesidyo ay nakakatulong sa pagpapaganda ng kalidad ng mga palay sa mas ligtas na pamamaraan.
“Binabati ko po kayo sa matagumpay na implementasyon ng proyektong ito. Sana ay magtuluy-tuloy tayo sa pagbabahagi ng kaalaman at makukuhang biyaya mula sa proyektong ito,” ani DA-4A Research Division OIC-Chief Eda F. Dimapilis.
Ang mga nasabing itik na ipinamahagi ng proyekto, sa pakikipagtulungan ng DA-4A Livestock Program, ay pararamihin ng mga magpapalay hanggang sa ang lahat ng magpapalay sa mga nabanggit na baranggay ay magkaroon ng kaniya-kanilang aalagaang mga itik.
“Malaking tulong sa amin na mga magsasaka ang mga itik. Malaki ang nagbago dahil maganda rin ang pamamalakad ng DA-4A sa proyekto. Nasa 60% ang itinaas ng ani namin mula noong magkaroon ng ganito,” ani G. Celedonio A. Climacosa, magpapalay mula Brgy. Bucal 3.
Nagdaos din noong FFD ng pagsasanay sa pagpaparami ng itik, pagpapagana at pagmementina sa incubator na mula rin sa DA-4A Livestock Program, at pagpoproseso ng itlog upang maihanda ang mga magpapalay na gamiting dagdag na pagkakakitaan ang mga ipinamahaging itik.
Magpapatuloy ang proyekto hanggang Hulyo 2022 (kinapapalooban ng dalawang wet at dry season) upang lalo pang maobserbahan ng DA-4A Research Division, lokal na pamahalaan ng Maragundon, at mga magpapalay ang magiging epekto nito sa ani at kita. #### ( Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)