Namahagi ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ng tulong-pinansyal na nagkakahalaga ng P15,425,000 sa 3,085 magpapalay mula sa mga bayan ng Padre Burgos, Unisan, Agdangan, Tagkawayan, Gumaca, Plaridel, Macalelon, at General Luna sa probinsya ng Quezon noong ika-9 hanggang 10 ng Disyembre.
Ang halagang ipinamahagi ay mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) na alinsunod sa Republic Act (RA) No. 11203 o ang “Rice Tariffication Law.”
Nakasaad sa RA 11203 na ang mga inaangkat na bigas ay papatawan ng karampatang taripa na mapupunta sa RCEF na siya namang pagkukunan ng pondong nakalaan para sa mga tulong na ipinagkakaloob sa mga magpapalay katulad na lang ng RFFA.
Sa RFFA, bawat maliliit na magpapalay na may sakahang hindi lalampas ng isang ektarya ay makakatanggap ng pinansyal na tulong na limang libong piso (P5,000).
“Patuloy po ang pamahalaan at ang region [DA-4A] sa pagsasagawa ng mga pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka sa kahit anong posibleng paraan. Sana po ang halagang ito ay kahit paano’y makatulong sa inyong kabuhayan at pagsasaka,” ani Quezon Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Rolando G. Cuasay.
“Napakalaking tulong ng RCEF sa aming maliliit na magsasaka dahil nabibigyan kami ng libreng binhi. Ito namang natanggap naming pera ay ipambibili namin ng abono. Nagpapasalamat kami sa DA dahil sa tulong na ibinibigay nila. Malaking bagay ito sa amin na mga maliliit na magsasaka,” ani Roselyn Norte, Kalihim ng Kapatiran, Samahan ng Magsasaka ng Casipalan (KASAMACA).
Nauna nang nakapamahagi ang DA-4A ng P4,765,000 mula nang mapasinayaan ang RFFA sa rehiyon noong ika-21 ng Oktubre.
#### (✍Reina Beatriz P. Peralta/📸Ma. Betina Andrea P. Perez, DA-4A RAFIS)