Namahagi ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A), sa pangunguna ni OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan at sa pakikipagtulungan ng opisina ni 2nd District Congressman David C. Suarez at Congresswoman Anna Villaraza-Suarez ng Alona Partylist, ng mga interbensyon na nagkakahalaga ng P23,754,246 sa mga magsasaka mula sa ikalawang distrito ng Quezon noong ika-24 ng Setyembre.
“Ang mga interbensyon po na ito ay katunayan na ang Kagawaran at ang ating gobyerno ay hindi nagpapabaya sa ating mga magsasaka. Sana po kahit kaunti ay natugunan namin ang inyong mga pangangailangan. Sana rin po ay mapayaman ninyo ang mga ito upang matulungan ang iba pa nating mga kasamang magsasaka,” ani Director Dimaculangan.
Hybrid yellow corn seeds, hybrid glutinous corn seeds, vegetable seeds, mga baka at kalabaw, complete fertilizers, organic fertilizers, mga pestisidyo, plant growth enhancer, seedling trays, plastic mulch, UV plastic, black net, at four-wheel drive tractor ang ipinamahagi ng Kagawaran.
“Napakalaki po ng aming pasasalamat sa ahensya dahil sa tulong na ito lalo na ngayong panahon ng pandemya at sunud-sunod na mga bagyo. Hindi na po mahihirapan ang mga kasama naming magsasaka na makapagsimulang muli sa pagtatanim,” ani Virginia S. Bautista, pangulo ng SIPAG Dolores.
Dinaluhan nina Office of Congressman Suarez Chief of Staff Diony Rodolfa, Quezon Provincial Government Office Executive Assistant Christina Lopez, Dolores Mayor Orlan Calayag, DA-4A Regional Technical Director for Operations Engr. Abelardo R. Bragas, DA-4A Corn Program Coordinator Avelita M. Rosales, DA-4A High Value Crops Development Program (HVCDP) Coordinator Engr. Redelliza A. Gruezo, DA-4A Livestock Program Coordinator Dr. Jerome G. Cuasay, at Quezon Agricultural Research and Experiment Station (QARES) Chief Rolando P. Cuasay ang naturang aktibidad. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)