Namahagi ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A), sa pangunguna ni DA-4A OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan at sa pakikipagtulungan ng tanggapan ni Congresswoman Aleta C. Suarez, ng P8,246,650 halaga ng interbensyon para sa mga magsasaka ng ikatlong distrito ng Quezon noong ika-26 ng Oktubre.
Mga binhi ng inbred na palay, binhi ng sari-saring gulay, hybrid glutinous at GM hybrid na mais, mga baka at kalabaw, seedling trays, plant growth enhancer, insecticide, complete fertilizer, organikong pataba, UV plastic, at black net ang ilan sa mga interbensyong natanggap ng mga magsasaka.
“Nagpapasalamat ako sa DA-4A, sa pangunguna ni Ma’am Vilma at ni Congresswoman Aleta, para sa mga biyaya na ibinigay sa amin na mapapakinabangan ng mga myembro. Tunay pong napakalaking tulong sa amin ng mga ipinamahagi lalo sa panahon ngayon,” ani Romando G. Samarita, Pangulo ng Samahan ng Magsasaka ng Baranggay Burgos.
“Ang ambisyon po namin ay palakasin ang agriculture dito sa Bundok Peninsula. Kaya kung anuman ang problema ninyo sa hanapbuhay ay nandito lang kami para lumapit sa DA para naman mabigyan kayo ng tulong,” ani Congresswoman Suarez.
Samantala, nakatanggap naman ng solar-powered irrigation system ang Grupong Magsasaka ng San Nicolas, wood vinegar facility para sa Glinoga Organic Farm, four-wheeled tractor para sa Samahang Magsasaka ng Nieva, at shredder machine para sa SIPAG Macalelon.
“Malaking tulong po sa amin, lalo sa maliliit na magsasaka, ang ipinagkaloob ng DA-4A. Naniniwala po kami na ‘yong pailan-ilan lang naming sinasaka dati, ngayon ay kaya nang maging tone-tonelada sa pamamagitan ng mga tulong na ito,” ani Joseph I. Hutalla, kinatawan ng Grupong magsasaka ng San Nicholas.
“Ang mga kaloob po namin na ito sa inyo ay patunay lamang na hindi nagpapabaya sa atin ang pamahalaan. Ang hiling po namin ay pag-ingatan at pagyamanin ninyo ang mga ito. Ang Quezon po ang may pinakamalaking agricultural land sa CALABARZON kaya hangad po naming lubos pang makinabang dito kayong aming mga magsasaka sa tulong ng mga interbensyong ito,” ani DA-4A OIC-Director Dimaculangan.
Dinaluhan din nina DA-4A OIC-Regional Technical Director (RTD) for Operations Engr. Abelardo R. Bragas, OIC-RTD for Research and Regulations Engr. Marcos C. Aves, Sr., Field Operations Division (FOD) Chief Engr. Redelliza A. Gruezo, FOD Assistant Chief Fidel F. Libao, Livestock Banner Program Coordinator Dr. Jerome G. Cuasay, Regional Agricultural Engineering Division OIC-Chief Engr. Romelo F. Reyes, Quezon Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Rolando P. Cuasay, at iba pang mga empleyado ng DA-4A ang naturang aktibidad. #### ( Reina Beatriz P. Peralta/ Jayvee Amir P. Ergino, DA-4A RAFIS)