Namahagi ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A), sa pangunguna ni OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan, noong ika-16 ng Nobyembre ng P43,110,371 halaga ng interbensyon sa mga magsasaka ng lungsod ng Calamba at ng Unang Distrito ng Batangas na naapektuhan ang kabuhayan ng pagputok ng bulkang Taal.
Ang ipinamahaging interbensyon ay mula sa P813,813,300 ng Taal Rehabilitation and Recovery Program. Ang P379,901,500 halaga ng tulong ay agad na naipamigay pagkatapos ng pagputok ng bulkan noong nakaraang taon sa mga magsasaka sa Cavite, Laguna, at Batangas. Naipamahagi na rin noong nakaraang linggo ang P407,647,190 halaga ng interbensyon sa mga magsasaka ng Batangas at Cavite.
“Sana ay mahalin natin ang natanggap natin ngayong araw. Pagyamanin natin ito para mapalawak ang ating production area at makamit natin ang masaganang ani at mataas na kita. Patunay po ang mga ito na sa panahon ng pandemya at kalamidad ay ‘di nagpapabaya ang pamahalaan sa mga magsasaka, mangingisda, at maghahayupan,” ani Regional Director Dimaculangan.
Botanical concoction, coffee dryer, multicultivator, four-wheeled drive tractor, garden tools, grass cutter, greenhouse, hermetic bag for coffee, knapsack sprayer, mesh net, nursery, power sprayer, pruning saw and shear, shredder machine, UV plastic, water plastic drum, wood vinegar, plastic mulch, seedling tray, corn sheller, solar-powered irrigation system, at pagsasaayos ng pump and engine set ang ilan sa mga tulong na ipinamahagi ng Kagawaran.
“Noong pumutok ang bulkan ay nasira po ang lahat ng mga tanim namin sa halos limampung (50) ektaryang sakahan kaya nangutang na ang iba sa amin para makapagtanim uli. Kaya sobra kaming nagpapasalamat sa mga ibinigay ng DA. Malaking bagay ito sa mga magsasaka dahil libre namin itong natanggap. Makakapagsimula na uli kami,” ani Jose Nestor T. Lansanas, pangulo ng Calamba Vegetable Growers’ Marketing Cooperative.
Dinaluhan din nina OIC-Regional Technical Director (RTD) for Operations Engr. Abelardo R. Bragas, OIC-RTD for Research and Regulations Engr. Marcos C. Aves, Sr., at ng iba pang mga opisyal at empleyado ng DA-4A ang naturang aktibidad.
#### (Reina Beatriz P. Peralta, 📸Ma. Betina Andrea P. Perez, DA-4A RAFIS)