Nakatanggap ng P20,052,436 halaga ng interbensyon mula sa Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang mga magsasaka mulang Lipa City, Batangas noong ika-1 ng Disyembre.
Ang mga ipinamahaging interbensyon ay bahagi ng P813,813,000 pondo ng Taal Rehabilitation and Recovery Program para sa mga magsasaka ng Cavite, Laguna, at Batangas na lubhang naapektuhan ang kabuhayan ng pagputok ng bulkang Taal.
“Patuloy tayong magtulungan at magsikap, sapagkat ito ang susi upang patuloy tayong makabangon mula sa mga pagsubok,” ani DA-4A OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan na nanguna sa pamamahagi ng mga interbensyon.
Ang ilan sa mga ipinamahaging tulong ay 4-wheel tractor, garden tools, knapsack sprayer, pruning materials, at shredder.
“Labis kaming nagpapasalamat sa DA-4A dahil at talagang sapul pa noong una ay hindi sila tumitigil sa pagsuporta sa aming mga magsasaka,” ani Antonio Mojares, kasapi ng Samahang Magkakape ng Lipa.
Dumalo rin sina Mayor Eric B. Africa ng Lipa City, DA-4A OIC-Regional Technical Director for Operations and Extensions Engr. Marcos Aves Sr., OIC-Field Operations Division Assistant Chief Fidel L. Libao, Regional Agricultural and Fishery Council Chairman Pedrito R. Kalaw, at iba pang mga empleyado ng DA-4A sa naturang aktibidad.
#### (Jerwin G. De Chavez; Ma. Betina 📸Andrea P. Perez, DA-4A RAFIS)