Nagdaos ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program (HVCDP) ng pagsasanay sa epektibong pagkontrol sa mango cecid fly para sa mga magsasaka mula sa bayan ng Tiaong, Dolores, Candelaria, Sariaya, at Guinayangan sa probinsya ng Quezon noong ika-26 hanggang ika-28 ng Oktubre.
Layunin ng pagsasanay na tulungan ang mga magsasaka na makapag-ani ng mas mataas at de-kalidad na mga mangga sa pamamagitan ng pagkontrol sa pagdami at tuluyang pagtaboy sa cecid fly.
Tinalakay sa pagsasanay kung paano matutukoy ang punong may cecid fly at ang iba’t ibang natural na pamamaraan sa pagkontrol nito gaya ng pagpuputol sa mga sanga na maraming dahon at pagtatanggal ng mga ligaw na damo underbush shrubs malapit sa puno ng mangga.
Ayon kay G. Eric F. de Torres, magsasaka mula sa Tiaong, naniniwala siyang mas gaganda at tataas nang hanggang 40% ang kanilang ani sa pamamagitan ng maagang pagtukoy sa puno na may cecid fly at maagap na pagkontrol sa pagdami nito.
“Nagpapasalamat ako sa DA-4A. Ang kanilang mga pa-training ay daan para sa kaalaman at ikauunlad ng tulad naming mga magsasaka,” dagdag pa ni de Torres.
Sunod na magkakaroon ng katulad na pagsasanay sa mga magsasaka mula sa probinsya ng Rizal, Cavite, at Laguna sa ika-3 hanggang 11 ng Nobyembre.
#### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS/ 📸Gee Lord N. Bactin, DA-4A HVCDP)