Namahagi ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A), sa pangunguna ni OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan at sa pakikipagtulungan ng tanggapan ni Quezon 1st District Representative Cong. Wilfrido Mark M. Enverga, ng P3,908,000 halaga ng interbensyon sa mga magsasaka ng Mauban, Lucban, Real, Infanta, at General Nakar noong ika-14 at 15 ng Oktubre.
“Ang mga interbensyon pong ito ay patunay na hindi po pinababayaan ng pamahalaan ang ating mga magsasaka. Makakaasa po kayo na palagi ninyong magiging kabalikat ang Kagawaran. Ang hiling lamang po namin ay inyo pong alagaan at pagyamanin ang mga ito nang sa ganoon ay sama-sama nating makamit ang masaganang ani at mataas na kita,” ani Director Dimaculangan.
“Nawa po’y mapagyaman ninyo ang mga biyayang ito na ibinigay ng DA para matulungan din po ninyo ang mga kapwa ninyo magsasaka,” ayon naman kay Congressman Enverga.
Iba’t ibang mga binhi ng gulay, broiler na sisiw, kalabaw, baka, organikong pataba, seedling trays, grass cutters, at knapsack sprayers ang mga interbensyong natanggap ng mga magsasaka.
“Maraming salamat po sa DA-4A at kay Cong. Mark Enverga sa mga ayuda na natanggap namin. Malaking tulong po ang mga ito sa amin dahil kompleto ang mga ibinigay ninyo sa aming interbensyon. Halos wala na po kaming gagastusin,” pagbabahagi ni Bb. Liezl A. Bautista, magsasaka mula sa Mauban.
Dumalo rin sa aktibidad sina DA-4A OIC-Regional Technical Director for Operations Engr. Abelardo R. Bragas, Field Operations Division (FOD) OIC-Chief Engr. Redelliza A. Gruezo, FOD OIC-Asst. Chief Fidel L. Libao, Regional Agricultural Engineering Division OIC-Chief Romelo F. Reyes, at Quezon Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Rolando P. Cuasay. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)