Namahagi ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A), sa pangunguna ni DA-4A OIC-Regional Executive Director VIlma M. Dimaculangan, kasama si Congresswoman Angelina “Helen” Tan, ng P7,190,900 halaga ng mga interbensyon sa mga magsasaka ng ika-apat na distrito ng Quezon noong ika-4 ng Oktubre.
Sari-saring binhi ng gulay, mga baka at kalabaw, seedling trays, plant growth enhancer, multi-cultivator, at four-wheel drive tractor ang natanggap ng mga magsasaka mula sa DA-4A.
“Ang mga naipamahaging tulong ay atin pong pagyamanin dahil po sa panahon ng pandemya, pagkain ang ating pangunahing pangangailangan,” ani Director Dimaculangan.
Samantala, idinagdag ni Cong. Tan na, “Napakalaki ng potensyal ng Quezon pagdating sa agrikultura. Ang sunod nating gawin ay pagyamanin ang mga produkto natin. Kaya po nandyan ang mga tulong ng pamahalaan. Payabungin po ninyo ang mga iyan.”
Ipinaabot naman ng mga magsasaka ang pasasalamat sa Kagawaran, kay Cong. Tan, at sa lokal na pamahalaang panlalawigan ng Quezon.
Ani ni Evelyn Naval, Bise Presidente ng STAN Lopez Vegetable Growers’ Association, bilang pasasalamat ay kanila namang gagampanan ang tungkulin na pagyamanin ang mga ipinagkaloob na interbensyon.
Dumalo rin sa nasabing aktibidad sina DA-4A OIC-Regional Technical Director for Operations and Extension Engr. Abelardo R. Bragas, OIC-Regional Technical Director for Research and Operations Engr. Marcos C. Aves, DA-4A Field Operations Division OIC-Chief Engr. Redelliza A. Gruezo, DA-4A Livestock Program Coordinator Dr. Jerome G. Cuasay, Quezon Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Rolando P. Cuasay, at iba pang mga empleyado ng DA-4A. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)