“Very satisfied ako dahil napakalaking tulong ng naibigay ng DA-4A sa amin. Nagpapasalamat ako dahil lagi silang nakasuporta.”
Ito ang pahayag ni Thyranno A. Exconde, Chairman ng San Pablo Coffee Growers’ Association, sa isinagawang balidasyon ng mga naipamahaging interbensyon ng Department of Agriculture Region IV-CALABARZON (DA-4A) sa ilalim ng High Value Crops Development Program noong ika-24 hanggang 26 ng Nobyembre sa dalawampu’t limang (25) farmers’ cooperatives and associations (FCAs) sa CALABARZON.
Isinasagawa ang balidasyon upang matiyak ng DA-4A na napapakinabangan nang maayos ang mga naipamahaging interbensyon gaya ng iba’t ibang binhi ng gulay, mga pataba, hand tractor, multi-cultivator, coffee grinder, packing house, fermentation facility, at hydroponics facility. Layunin din ng balidasyon na matukoy ang iba pang pangangailangan ng FCAs na kayang tugunan ng DA-4A.
Pag-aaralan ang mga datos na nakalap mula sa isinagawang balidasyon upang lalong mapabuti ang mga interbensyon na ipinamamahagi sa mga magsasaka sa mga susunod na taon.
#### (Ma. Betina Andrea P. Perez, DA-4A RAFIS)