Ginawaran ng pagkilala ng Department of Agriculture Region IV-CALABARZON (DA-4A) Organic Agriculture Program (OAP) ang mga natatanging organikong magsasaka sa naganap na Regional Organic Agriculture Month (ROAM) celebration noong Nobyembre 24-25, 2021, sa Tayabas City, Quezon.
Isa sa mga layunin ng pagdaraos ng ROAM 2021 ang pagkilala sa mga magsasaka na patuloy na itinataguyod ang industriya ng organic agriculture sa rehiyon.
Itinanghal ang probinsya ng Rizal bilang pinakaaktibo sa pagpapalawig ng iba’t ibang programa at pakinabang na hatid ng organikong pagsasaka.
Nakatanggap ng Recognition for the Individual Farmer sina SVD Farm Manager Fr. Samuel N. Agcaracar at SVD Rector at Atty. Reggie Eusebio ng Cavite; Gng. Suzette Sales at G. Danilo Enriquez ng Laguna; Gng. Honorata Casabuena ng Batangas; Gng. Edna V. Sanchez at G. Randy Donato ng Rizal; at G. Leo Casaclang ng Quezon.
Para sa pagbabahagi ng natatanging pamamaraan sa organikong pagsasaka, binigyan ng sertipiko ng pagpapahalaga sina Luntiang Republika Ecofarms Corp. President Engr. Eduardo Cleofe, Chad’s Nature Farm Owner Gng. Aida Briones, Uma Verde Econature Farm Founder Engr. Edelissa Ramos, Nylove’s Farm Owner Gng. Nyla Cordero, at YAKAP at HALIK Multipurpose Cooperative Cavite Chairman G. Gabriel Arubio.
Pagbabahagi ni G. Casaclang, “Ang paggawad ng DA sa amin na mga organikong magsasaka ay magsisilbing paalala na magpursige upang maipakilaka ang organikong magsasaka sa kapwa ko kabataan o mga kababayang interesado sa pagpasok sa organic farming. Maraming salamat sa DA sa pagkilala sa aming kakayahan at kontribusyon.”
Samantala, binati at pinasalamatan ni OIC-Field Operations Division Assistant Chief G. Fidel L. Libao ang lahat ng mga nakiisa sa selebrasyon ng ROAM 2021.
“Bilang kinatawan ng DA-4A, binabati ko po ang lahat sa matagumpay na pagdiriwang ng buwan ng organic agricuture. Nawa’y magsilbi ang ating selebrasyon upang patuloy na mapausbong ang organikong pagsasaka,” Ani G. Libao.
#### ( Jayvee Amir P. Ergino; 📸Kevin Anthony F. Armintia)