Kaugnay ng tuluy-tuloy na pagtulong sa mga labis na naapektuhan ang kabuhayan ng pagputok ng bulkang Taal, namahagi ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Organic Agriculture Program (OAP) ng P13,910,420 halaga ng interbensyon sa mga organikong magsasaka mula sa mga siyudad ng Cabuyao, San Pablo, at Calamba, at bayan ng Los Baños sa lalawigan ng Laguna; at sa mga siyudad ng Sto. Tomas, Tanauan, at Lipa, at mga bayan ng Calaca, Taal, Sta. Teresita, Cuenca, Laurel, Agoncillo, Mataas na Kahoy, at Talisay mula naman lalawigan ng Batangas noong ika-17 ng Disyembre.
Ito ay mula sa Taal Quick Response Fund (QRF) ng DA-4A OAP na layuning matulungan ang mga organikong magsasaka na makabangon ang kabuhayan mula sa pinsalang dulot ng pagputok ng bulkan.
“Sana ay magamit at mapakinabangan nang maayos itong mga ipinagkaloob sa inyong tulong ng Department of Agriculture Region IV-A para magpatuloy ang kaunlaran sa organikong pagsasaka,” ani DA-4A Agricultural Program Coordinating Office (APCO) Laguna Coordinator Ma. Annie S. Bucu.
Multi-tiller, shredder, grass cutter, plastic drums, mesh net, knapsack sprayer, garden tools, UV plastic, greenhouse, botanical concoction, at wood vinegar facility ang mga ipinamahaging interbensyon.
“Malaki ang epekto ng pagputok ng bulkan sa amin. ‘Yong mga bunga ng tanim namin, lumiit. At hanggang ngayon ay mahina pa rin ang aming ani. Kaya talagang nagpapasalamat kami sa DA dahil napakalaking ginhawa sa aming samahan ang mga tulong na ito. Ang mga ibinigay ang unang-una naming kailangan para muling makabangon. Malaking katipiran ito dahil hindi na namin kailangang bumili,” ani Rogelio Banares, Vice Chairman ng Los Baños Organic Fruit and Vegetable Growers’ Association.
“Malaking tulong ang mga kagamitang ito na kaloob ng Department of Agriculture, lalong-lalo na sa labor efficiency. Kaya naman pangako namin na gagamitin namin ito nang wasto,” ani Isagani Cathedral, Vice Chairman ng Tanauan Organic Natural Farmers’ Agriculture Cooperative.
#### (✍Reina Beatriz P. Peralta; 📸Jerwin G. De Chavez, DA-4A RAFIS)