Sa patuloy na pagpapalaganap ng organikong pagsasaka sa rehiyon, muling nangasiwa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Organic Agriculture (OA) Program ng isang pagsasanay sa Participatory Guarantee System (PGS) simula noong 7-9 Setyembre 2022 sa Banaba South, Batangas City.
Layunin ng PGS na tulungan ang mga magsasaka na makakuha ng sertipikasyon at akreditasyon na magbibigay garantiya sa kalidad at integridad ng kanilang mga organikong produkto sa mas mababang halaga.
Nilahukan ang pagsasanay ng 14 na mga organikong magsasaka mula sa Batangas na silang inaasahang mamamahala sa proseso ng PGS mula sa produksyon hanggang sa maipahatid at maibenta ang mga organikong produkto sa pamilihan.
Kabilang sa mga paksang tinalakay ay ang mga update sa PGS ng Batangas, pasasaayos ng organic management plan, at pagsasapinal ng mga polisiya, proseso, at manwal ng operasyon ukol dito.
Pinangunahan ang aktibidad nina Research Division Chief at OA Focal Person Eda Dimapilis at tagapagsalita na si Arnaldo Gonzales. #### ( Danica Daluz Organic Agriculture Program)