Mga prodyuser ng kape, kakaw sa CALABARZON, iniugnay ng DA sa mga institutional buyers
Naging daan ang Market Linkage Activity Session ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA IV-A) Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program upang magkaroon ng inisyal na ugnayan ang mga farm clusters at institutional buyers ng mga produktong kape at kakaw, noong ika-18 ng Setyembre sa Lipa Agricultural Research Experiment Station, Lipa City, Batangas.
Layon ng Market Linkage na maipakilala at maitaguyod ang mga produktong ani ng mga organisadong farm cluster na tumutugma sa mga pangangailangan ng mga mamimiling institusyonal. Naging parte ng diskusyon ang mga pamantayan at mga kailangan na dokumento para sa negosasyon, at ang kasalukuyang pangangailangan sa produksyon ng kape sa ating rehiyon.
Binigyang diin sa usapin ang kahalagahan na mayroong pisikal na produkto ang supplier upang malaman kung pasado ito sa pangangailangan ng institutional buyers. Isa sa pamantayang binanggit ay ang pagkakaroon ng Food and Drug Administration (FDA) approved na produkto. Dagdag pa rito ay ang moisture content ng kape at kakaw na dapat mapanatili upang hindi masira ang mga ito.
Ayon kay Gng. Agnes Madlansacay, General Manager ng Café Amadeo Development Cooperative, ang pakikipag-negosasyon ng produkto sa merkado ay mabilis at hindi kumplikado kung mayroong mga legal na dokumento at sapat na bilang ng pisikal na produkto para sa bawat kalakalan.
Kinonsidera ng institutional buyers ang dami ng produktong kayang ipagbili ng farm clusters na maaaring umabot sa hanggang 300 toneladas, depende sa panahon ng ani. Nilinaw din sa usapan
ang posibilidad na pagkakaroon ng rebranding sa oras na mabili nila ang mga produkto upang mas tangkilikin ito sa merkado.
Naisagawa ang aktibidad sa pagtutulungan ng Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program, High Value Crops Development Program (HVCDP), at ng Agribusiness and
Marketing Assistance Division (AMAD). Ang mga dumalong farm clusters ay ang Cacao Farmers Association of Nagcarlan (CFAN), Cacao Growers Association of Lopez, Luisiana Cacao Growers Agriculture Cooperative, at Pinagdanlayan Farmers Association. Ang institutional buyers naman ay ang Region 4A Cacao Industry Federation Inc., Ben & Lyn Chocolate, MERLO Agricultural Corporation, Café Amadeo Development Cooperative, at Farm to Mayani Inc.
Kasunod ng nasabing aktibidad ang monitoring at update sa nangyaring negosasyon ng mga dumalo, at ang patuloy na pagsuporta ng banner programs ng DA-IV A sa pangkabuhayan ng mga magsasaka sa rehiyon.#### (Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)