Operators ng agri-related infrastructures sa rehiyon, ginabayan sa pagbuo ng Enterprise Operations Manual ng DA-4A
Bilang pagpapatuloy ng pagbuo ng Enterprise Operations Manual (EOM), tinipon ng #DACalabarzon Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ang mga tagapangasiwa ng operasyon ng mga market-related infrastructures sa rehiyon noong ika-3 hanggang ika-4 ng Oktubre sa Tagaytay City, Cavite.
Ang EOM ay manwal na naglalaman ng mga impormasyon tungkol sa negosyo at ang kabuong operasyon nito na naglalayong maging gabay sa mga opisyal at myembro na mamamahala dito.
Layunin ng aktibidad na masuri ang nilalaman ng nabalangkas na EOM ng mga kalahok at mabigyan sila ng mga rekomendasyon upang mas maisaayos ang mga ito kabilang ang mga panuntunan at gampanin ng mga kawaning naitalaga sa bawat parte ng operasyon.
Naging tagasuri sina AMAD OIC-Chief, Justine Marco Vivas at Agribusiness Promotion Section Chief, Richmond Pablo, at DA-4A PRDP Enterprise Devβt and Marketing Specialist, Kristel Vito.
Kaugnay nito, tinalakay din ang kasalukuyang estado ng operasyon at implementasyon ng mga imprastraktura kabilang ang Organic Trading Post ng Lumban, Laguna at Tanay,Rizal; Municipal Food Terminal ng San Juan at Calaca, Batangas, at Imus City; Agricultural Trading Center ng Batangas at Tanauan City; at Kadiwa Store ng Mataas na Kahoy, Batangas.
Samantala, muling iprinesenta ang nilalaman ng Memorandum of Agreement sa mga dumalo upang maipaliwanag ang gampanin ng bawat partido sa operasyon at pamamahala ng proyektong ipinagkaloob sa kanila.
Sa kanyang mensahe, ipinaalala ni AMAD OIC-Chief Justine Marco Vivas na ang mga ganitong aktibidad ay parte ng pagpapalakas at pagpapabuti ng mga interbensyon at hindi ito nagtatapos sa pagsasapinal ng isang EOM. Aniya, ito ay nagbubukas ng pagkakataon na mas mapaganda pa ang pamamahala ng mga ito at makapagbalangkas ng mga estratehiya upang maging mas epektibo ang mga ibinababang tulong at paggabay sa mga samahan at kanilang negosyo.
Sa pagtatapos, binigyang diin ang mahalagang parte ng bawat isa sa mas ikabubuti ng mga imprastraktura at maging kapaki-pakinabang sa mga pamayanan ng bawat bayang nakaka-akses dito. Inaasahang ang mga naibigay na komento at suhestyon ay maibilang sa pagsasapinal ng mga EOM.
Nagpasalamat naman si Municipal Agriculturist ng Mataas na kahoy, Aileen Andal sa pagsasagawa ng aktibidad, aniya napakahalaga ng ganitong pagsasanay sa mga gumaganap ng tungkulin sa pamamahala sa mga interbensyong ibinibigay sa kanila. Ang tanging daan ayon sa kanya na kanilang dapat tahakin ay ang pagsusumikap na maging matagumpay at maunlad ang operasyon ng mga ito at maging gabay sa mga susunod sa kanila. ####