Pitong kompanya ng transportasyon at 46 na drayber ang dumalo sa oryentasyon ukol sa proyektong food lane na pinangunahan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON, sa pakikipagtulungan sa Pambansang Pulisya ng Pilipinas (PNP), Pangasiwaan sa Pagpapaunlad ng Kalakhang Maynila (MMDA), at Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG), na ginanap noong Nobyembre 20, 2018 sa pang-rehiyong tanggapan ng Kagawaran, lungsod ng Quezon.
Sa ngalan ng Regional Director ng Kagawaran na si Arnel V. de Mesa, pinasalamatan ni Editha M. Salvosa, Hepe ng AMAD, ang mga dumalo lalo na ang mga operator at drayber na naglaan ng kani-kanilang panahon at oras upang makadalo sa nasabing aktibidad.
Ang oryentasyon ay may layuning mapaganda at maging maayos ang pagdadala ng mga produktong pang-agrikultura gaya ng karne, gulay, isda, at mga kagamitan sa produksyon ng mga nito mula sa mga kanayunan papunta sa mga sa pangunahing pamilihan sa Kalakhang Maynila at sa rehiyon.
Tinalakay din dito ang kahalagahan ng mabilis na paghahatid ng mga produkto at ilang mga pamamaraan upang mabawasan ang halaga ng gastusin sa transportasyon ng mga ito; pagkasira ng mga produkto at postharvest losses; at pagpapatupad ng kontra-katiwalian at kontra-kotong na nagpapahirap sa mga truck operator at drayber, at nagbubunga ng pagtaas ng presyo ng mga produkto na siya namang pasanin ng mga mamimili.
Ang mga kompanya ng transportasyon na dumalo ay ang: Jhalem Transport Services sa Biñan City, Laguna; R & E Transport sa Lipa City, Batangas; White Dragon Trucking Services sa Pililla, Rizal; Muje Trucking ng San Pablo City, Laguna; Shekinah Movers; at MP de Leon Trucking Services.
Ang mga naging tagapagsalita sa maghapong oryentasyon ay sina: Miguel E. Panal ng Inspectorate Group ng MMDA; PSupt (Atty.) Oliver Sy Tanseco, Ph.D., Hepe ng Operations Management Division ng Highway Patrol Group ng PNP; at Justine Marco M. Vivas, Market Specialist II ng AMAD.
Ang proyektong food lane ay inumpisahan noong taong 2004 sa pamamagitan ng kasunduan sa pagitan ng Kagawaran ng Pagsasaka, PNP, MMDA, at DILG. Kasama sa mga lumagda sa kasunduan ang agri-fishery groups mula sa Northern at Southern Luzon, at Chamber of Agriculture & Fisheries and Food Industries ng Northern Mindanao.