P1.21B-imprastraktura sa Quezon, Laguna aprubado sa DA-PRDP Scale-Up

 

 

Inaasahan ang patuloy na paglago ng sektor ng agrikultura at pangisdaan sa Calabarzon matapos aprubahan ang pondo ng tatlong farm-to-market roads sa Quezon at isang potable water system sa Laguna. Popondohan ang mga ito sa ilalim ng Philippine Rural Development Project Scale-Up ng Department of Agriculture at ng World Bank. Tutugon ito sa 33,771 indibidwal at 7,670 kabahayan.

 

Ang mga aprubadong FMRs ay ang Concreting of Sto. Niño-Huyon-Uyon Farm-to-Market Road sa San Francisco na may habang 10.58 kilometro, Construction of San Roque-San Antonio Magcopa-San Pablo Suha-Doongan Ilaya Farm-to-Market Road with 2 Bridge Componentb sa Catanauan na 12.46 kilometro, at ang Concreting of Bagupaye to San Pedro FMR with Bridge sa Mulanay na 15.33 kilometro. Layon ng mga itong isaayos at pabilisin ang transportasyon para sa mga residente at produktong agrikultura at pangisdaan. Magbibigay-daan din ang mga ito sa pagpapalakas ng produksyon ng pagkain at pagpasok ng mga oportunidad para sa kabuhayan ng mga mamamayan, partikular na ang mga magsasaka.

 

Samantala, ang Rehabilitation and Improvement of Level II Potable Water System sa Majayjay, Laguna ay tutugon sa walong barangay. Tutulong ito upang maging tuloy-tuloy, ligtas, at kalidad ang suplay ng tubig sa mga komunidad at maiiwas ang mga mamamayan sa mga sakit tulad ng diarrhea at gastritis mula sa maruming tubig. Dahil padadaliin nito ang pagkuha ng tubig, makakatulong rin ang proyekto sa mga mamamayan na mas pagtuunan ng pansin ang kanilang mga kabuhayan tulad ng pagtatanim.

 

Nagpasalamat ang mga lokal na pamahalaan sa DA-PRDP Regional Project Advisory Board at sa DA-PRDP Regional Project Coordination Office Calabarzon para sa kanilang mga natanggap na suporta. Anila, sisiguraduhin nilang magiging matagumpay ang implementasyon ng mga proyekto upang maraming mga mamamayan at magsasaka ang mag-benepisyo dito at mapaunlad ang kanilang mga pamumuhay.

 

“We are very happy to support and approve these subprojects because the benefits go beyond agriculture and fisheries, layunin din nitong tulungan ang mga taong umunlad sa kanilang mga komunidad by giving them access to basic resources and services and opportunities. With the approval of these subprojects, we hope to see more developments in the agriculture and fisheries sector and a reduction in poverty incidence in these communities,” ani DA Regional Field Office Calabarzon Executive Director and RPAB Chairperson Fidel Libao.