Aabot sa P1,750,000 ang ipagkakaloob ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa Buklod-Unlad Multi-Purpose Cooperative (BUMPC), isang grupo ng mga magsasaka mula Taysan Batangas.
Ito ay para sa kanilang proyektong ‘Consolidation of Agricultural Produce of Cooperatives and Farmers of Taysan’ na bahagi ng patuloy na implementasyon ng Enhanced KADIWA ni Ani at Kita Inclusive Food Supply Chain Program sa pangunguna ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD). Ito ay naglalayong mailapit ang mga samahan ng magsasaka sa mga mamimili nito.
Bilang tanda ng pagsisimula ng proyekto ay nagkaroon ng paglalagda ng Memorandum of Agreement sa pagitan ni DA-4A OIC-Regional Executive Director Engr. Abelardo Bragas at BUMPC President Ludwig Von Malaluan noong 7 Setyembre 2022.
“Lubos ang pasasalamat ng aming samahan sa tiwalang ibinigay ng DA-4A. Dahil sa proyektong ito ay mas lalaki ang kakayahan at kita ng aming Samahan,” ani Malaluan.
Sa pamamagitan ng naturang proyekto ay makakatanggap ang samahan ng hauling truck, meat grinder, tray, chopping boards, weighing scale, trolley steel push cart, at iba pang suporta.
Ang aktibidad ay sinaksihan ni AMAD Chief Editha Salvosa, Livestock Coordinator Jerome Cuasay, at iba pang kawani ng DA-4A at miyembro ng BUMPC. #### ( Danica Daluz)