Tinanggap ng mga magsasaka ng Lucban, Sampaloc, at Lungsod ng Tayabas ang P10,767,000 milyong halaga ng tulong pinansyal at interbensyong pang-agrikultura mula sa Department of Agriculture Region IV-CALABARZON (DA-4A) sa Lalawigan ng Quezon, noong ika-26 hanggang ika-27 ng Oktubre.
Kabilang sa mga ipinagkaloob sa siyam na Farmers’ Cooperatives and Associations ng Tayabas ay ang flatbed dryer, hand tractor with trailer, mini chainsaw, vegetable seeds, at seedling tray.
Samantala, tinanggap ng 240 magpapalay ang tig-lilimang libong piso (P5,000) sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) alinsunod sa Republic Act (RA) 11203 o “Rice Tarrification Law.”
Kaugnay nito, nasa 140 magmamais ang tumanggap ng Fuel Discount Cards na naglalaman ng tig-tatatlong libong piso (P3,000).
Binuksan ang programa ni DA-4A OIC-Regional Executive Director Milo delos Reyes sa pamamagitan ng kanyang pagbati at mensahe.
“Isa pong mapagpalang umaga sa ating lahat! Lalong-lalo na sa ating mga magsasaka na tatanggap ng iba’t ibang interbensyon. Patuloy po tayong magtulungan para mas maabot natin ang masaganang sektor ng agrikultura,” ani Dir. de los Reyes.
“Ako ay lubos na nagpapasalamat sa DA para sa ayudang inyong ipinamigay. Napakalaki ng maitutulong nito sa lahat ng mga magsasaka. Sana ay tuluy-tuloy lang ang suporta ng DA para sa susunod ay matulungan lahat ng mga katulad kong magsasaka,” ani G. Pablito Dalmacia, magpapalay, mula sa Tayabas City.
Nakiisa din sa aktibidad sina Quezon 1st District Representative at House Committee Chairman on Agriculture and Food, Cong. Wilfrido “Mark” Enverga, Quezon Governor Angelina “Helen” Tan, Lucban Mayor Agustin Villaverde, Sampaloc Vice Mayor Teresita Villeno, Tayabas City Acting Mayor Lovely Reynoso, at iba pang mga kawani ng DA-4A.