Tinanggap ng dalawang samahan ng magbababoy sa Batangas ang aabot sa P10,098,766.3 halaga ng Bio Secured at Climate Controlled Finisher Operation Facility sa ginanap na Turn- Over Ceremony sa Ibaan at Padre Garcia, Batangas noong ika-28 ng Mayo, 2024.
Sila ay ang Ibaan Market Vendors and Community Multi-Purpose Cooperative (IMVCMPC) at Padre Garcia Development Cooperative (PADECO).
Bahagi ito ng implementasyon ng programang Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) na may layong tulungan ang mga magbababoy na makabawi sa epekto ng African Swine Fever (ASF).
Bilang tanda ng opisyal na pagtanggap ng dalawang samahan ay nagkaroon ng paglalagda ng Memorandum of Agreement (MOA), ribbon cutting, at maikling programa na pinangunahan nina Livestock Program Coordinator Dr. Jerome Cuasay, Batangas 4th District Representative Congw. Lianda Bolilia, at Municipal Agriculturists Ethel Joy Salazar at Romy Diaz.
Ayon kay Congw. Bolilia, ipinagmamalaki niya ang mga samahang napagkalooban dahil alam niyang ang bigay ng Kagawaran na mga pasilidad ay pag-iingatan at pauunlarin pa ng mga ito. Nagbilin din ito ng mas masigasig na kooperasyon mula sa mga miyembro nang sa gayon ay tuluyang maiangat ang industriya ng pagbababuyan sa lalawigan ng Batangas.
Lubos naman ang pasasalamat ni IMVCMPC Chairman Romeo De Torres sa Kagawaran, lokal na pamahalaan, at sa lahat ng tumulong sa kanilang makamit ang proyekto. Nangako ito na mas pagtitibayin ang pamumuno hindi lang para sa samahan kundi para sa mga mamamayan tungo sa mas ligtas na produktong karne ng baboy. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)