Aabot sa P11 milyon ang halaga ng biosecured at climate-controlled finisher operation facility na pinagkaloob sa Pangkalahatang Samahan ng Magsasaka ng Siniloan (PASAMASI) at Juan Santiago Agriculture Cooperative (JSACOOP) sa ginanap na Turn Over Ceremony sa Siniloan at Santa Maria, Laguna noong ika-14 ng Disyembre.
Ito ay mula sa programa ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) na Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) na isinusulong upang tulungan ang mga magbababoy na makabawi sa epekto ng African Swine Fever (ASF).
Bilang tanda ng opisyal na pagtanggap ng dalawang samahan ay nagkaroon ng paglalagda ng Memorandum of Agreement (MOA) na pinangunahan nina Siniloan Mayor Rainier Leopando, Santa Maria Mayor Ma. Rocelle Carolino, mga pangulo ng samahan, at Livestock Program Coordinator Dr. Jerome Cuasay.
Binigyang-diin ni Dr. Cuasay ang husay ng pagtutulungan ng mga miyembro at lokal na pamahalaan sa pag-aasikaso ng lahat ng requirement upang makamit ang proyektong ito. Aniya, inaasahan ng kagawaran na sa susunod na paglabas ng Zoning Status ng ASF mula sa Bureau of Animal Industry (BAI) ay tuluyan nang maging “ASF Free” ang mga naturang bayan.
Lubos naman ang pasasalamat ng PASAMASI Chairman Celso Castro at JSACOOP Chairman Harrisson Boy Diamante na nangakong patutunayan nila sa kagawaran na karapat-dapat sila na pagkalooban ng proyektong ito. Anila, sila’y magsisikap na mas mapaunlad pa ang pasilidad tungo sa pagtaas ng produksyon ng baboy sa buong lalawigan ng Laguna.
Dumalo rin sa aktibidad sina Provincial Veterinary Office (PVO) Laguna Rep. Dr. Heferson Rellosa, Siniloan Municipal Agricultural Officer (MAO) Carlo Realiza, Santa Maria MAO Carlo Sumaria, Santa Maria Vice Mayor Atty. Norlito Briones, Committee in Agriculture Councilor Lorna Alban, Siniloan Livestock and Poultry Raisers Association (SILIP) President Irma San Juan, representante mula sa Regional Agricultural Engineering Division (RAED), at iba pang bahagi ng lokal na pamahalaan at kawani ng DA-4A. #### (✍🏻📸Danica Daluz)