P130-K halaga ng interbensyon, ipinamahagi ng DA-4A sa LAB for All Caravan ni First Lady Marcos sa Rizal
Umabot sa P130,454 halaga ng interbensyon ang naipamahagi ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) bilang pakikiisa sa isinagawang LAB for All Caravan ni First Lady Louise Araneta Marcos noong ika-8 ng Agosto sa Antipolo City, Rizal.
Ang LAB for All ay programa ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pamamagitan ni First Lady na nagsisilbing isa sa mga inisyatibo ng pamahalaan upang siguruhin ang patas na akses ng mga mamamayang Pilipino sa dekalidad at abot-kayang mga produkto o serbisyo para sa kalusugan.
Dito ay isang booth para sa DA-4A ang isinaayos kung saan naitampok ang 2,000 punla ng calamansi at mga butong pananim na gulay. Ipinamalas din dito ang ilang ipinagmamalaking produkto ng Rizal Agricultural Research and Experiment Station (RARES) gaya ng Cherry Tomato Tart, mga tanim na strawberry, wood vinegar, fermented plant juice, at iba pa.
Laking tuwa ni Melanie Candelario, isang residente mula sa Antipolo City, sa nakuhang pananim na calamansi. Aniya itatabi niya ito sa kanyang iba pang pananim na gulay sa maliit na espasyo sa kanilang bakuran. Tulong na rin niya ito sa Kagawaran at komunidad sa pagsusulong ng urban gardening.
Kasama sa mga namahagi sa aktibidad sina DA Undersecretary Deogracias Victor Savellano, OIC-RTD for Operations and Extension Engr. Redelliza Gruezo, Field Operations Division OIC-Chief Felix Joselito Noceda, RARES OIC-Chief Alexandra Jamoralin, Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) para sa Rizal Mary Ann Gajardo, at iba pang kawani ng DA-4A.
#### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)