Pormal na tinanggap ng YAKAP AT HALIK Multi-Purpose Cooperative (MPC) sa Cavite ang kumpletong Organic Hub Facilities mula sa Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Organic Agriculture Program (OAP) noong ika-9 ng Agosto, 2023 sa General Emilio Aguinaldo (GEA), Cavite.
Ang YAKAP AT HALIK MPC ay isang akreditadong Civil Society Organization (CSO) na katuwang ng kagawaran sa pagpapatupad ng programa ng Organic Agriculture Program. Bilang akreditadong CSO, sila ay maaaring makatanggap ng mga ganitong klase ng interbensyon na lubos na mapapakinabangan ng mga miyembro ng kanilang Samahan.
Nakapaloob sa proyektong ito ang mga pasilidad tulad ng vermi composting shed, vermicompost processing and storage facility, green house, at multi-commodity greenhouse-type solar dryer na aabot sa halagang Php 2,547,775.77. Ito ay magagamit ng kanilang kooperatiba sa pagpaparami ng organikong pataba.
Ang naturang turn-over ceremony ay pinangunahan nina DA-4A OAP Coordinator Eda Dimapilis, Mayor Dennis Glean, at YAKAP AT HALIK MPC Chairperson Gabriel Arubio.
Ayon kay G. Arubio, malaking tulong ang mga pasilidad sa kanilang organikong pagsasaka dahil mapapataas nito ang kanilang produksyon ng mga organikong pataba na pansariling gamit ng samahan at pwedeng pangbenta din.