Umabot sa P20,517,420 ang halaga ng interbensyong pangsaka na naipagkaloob ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa ika-apat na distrito ng Quezon noong ika-19 ng Hunyo.
Tinanggap ng mga magsasaka mula sa mga bayan ng Guinayangan, Calauag, at Lopez ang mga suporta na binubuo ng mga binhing pananim na palay, mais, at gulay; fertilizer discount voucher; mga kagamitang pangsaka; at iba pa.
Mula ito sa P6,474,500 bahagi ng Rice Program, P12,647,920 mula sa Corn Program, at P1,395,000 mula sa High Value Crops Development Program (HVCDP). Nagpasalamat si Merlina Comia na isang magpapalay sa Guinayangan na pangalawang beses nang nakatatanggap ng binhi at pataba mula sa Kagawaran. Aniya, malaking tulong ang hindi na pagbili pa ng binhi at pataba tuwing magtatanim dahil nakababawas ito sa kanyang iba pang gastos sa produksyon.
Pinangunahan ang aktibidad nina OIC-Field Operations Division Chief Felix Joselito Noceda at Quezon 4th District Representative Cong. Keith Micah “Atty. Mike” Tan kasama ang mga representante mula sa tanggapan nina Quezon Governor Helen Tan, Guinayangan Mayor Marieden Isaac, Calauag Mayor Rosalina Visorde, Lopez Mayor Rachel Ubana, at iba pang kawani ng Kagawaran at lokal na pamahalaan. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)