Aabot sa P3,891,000 halaga ng tulong-pinansyal at fuel discount cards ang naipagkaloob ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa mga magsasaka at mangingisda ng Mauban at Pagbilao, Quezon sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) at Fuel Discount Program for Corn Farmers and Fisherfolk na isinagawa noong ika-2 ng Setyembre.

Tinanggap ng 588 na magpapalay ang tig-lilimang libong piso (P5,000) mula sa RCEF-RFFA at 317 na mangingisda at magmamais ang nakakuha ng Fuel Discount Cards na naglalaman ng tig-tatatlong libong piso (P3,000).

Ang RCEF-RFFA ay alinsunod sa Republic Act (RA) No. 11203 o “Rice Tariffication Law (RTL)” at RA No. 11598 o “Cash Assistance for Filipino Farmers Act”. Samantala, ang pamimigay ng fuel discount cards ay bahagi ng RA 11639 o Special Provision No. 20 of the General Appropriations Act of 2022.

Namuno sa pamamahagi sina 1st District of Quezon Representative at Chairperson of House Committee on Agriculture and Food Cong. Wilfredo Mark Enverga, DA-4A OIC-Regional Executive Director Engr. Abelardo Bragas, representante ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Ernest John Laureles, at mga punong-bayan ng Mauban at Pagbilao, Quezon.

“Kitang-kita po natin ang malasakit ng gobyerno, lalo na ang ating kasalukuyang kalihim, Presidente Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na s’yang nanguna sa pagtugon sa mga problema sa pamamagitan ng mga ganitong programa. Kaya makakaasa po kayo sa bisyon ng ating sektor ng agrikultura na patuloy ang pagpaprayoridad sa mga magsasaka at mangingisda,” mungkahi ni Cong. Enverga.

Binigyang diin naman ni Director Bragas ang importansya ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) dahil nagsisilbi itong batayan ng pamahalaan para sa mga bibigyan ng tulong at interbensyon gaya ng naturang programa.

“Itong limang libong natanggap ko, iba-budget kong maigi para sa bukid namin. Malaking tulong ito lalo na at hindi naman kami palaging may ani at minsan ay binabagyo pa. Tuwang-tuwa ako sa DA kasi masigasig ang pagbibigay sa amin ng biyaya lalo na nung nagsimula ang pandemya,” ani Nirza Almira, isa sa mga rehistradong magpapalay na nakatanggap ng ayuda mula sa RCEF-RFFA.

Kasama sa mga dumalo sa aktibidad sina OIC-Field Operations Division Chief Engr. Redelliza Gruezo, Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) para sa Quezon Rolly Cuasay at iba pang kawani mula sa mga lokal na pamahalaan at DA-4A. #### (✍🏻Danica Daluz  📸Von Samuel Panghulan)