P32-M halaga ng tulong pinansyal sa unang batch ng indemnification

 

 

Nasa Php 32,095,000 milyong piso na ang kabuuang halaga na naipamahagi ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa unang batch ng indemnification para sa mga magbababoy na apektado ng African Swine Fever (ASF) sa rehiyon.

Ang ASF ang sakit ng baboy na pangunahing kinakaharap ngayon ng sektor ng paghahayupan na nagiging dahilan ng pagbaba ng produksyon nito habang tumataas ang demand sa mga konsyumer.

Kaya naman patuloy ang suportang hatid ng DA-4A Livestock Program sa pamamagitan ng indemnification program para sa mga magbababoy kung saan layon nitong bayaran ng tig- P5,000 ang bawat baboy na naibaon sa depopulation ng mga magsasakang nakipag-ugnayan sa Kagawaran.

Kabilang ito sa mga inihayag ni Regional Livestock Coordinator Dr. Jerome Cuasay sa isinagawang Livestock and Poultry Congress 2024 noong ika-4 ng Nobyembre. Aniya, umabot na sa 615 magsasaka ang natulungan ng programa at inaasahan na may paparating pang ikalawa at ikatlong batch nito.

Si Mary Rose Hernandez mula sa Lipa City, Batangas na nakakuha ng Php55,000 ay malaki ang pasasalamat na hindi siya nagdalawang isip na magreport kaagad nang mamataan ang sintomas ng ASF sa kanyang mga baboy dahil dito ay isa siya sa mga nabigyan sa indemnification.

#### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)