Aabot sa P5.5-milyong halaga ng interbensyong pang-agrikultura ang ipinagkaloob sa mga magsasaka sa mga bayan ng San Pascual at Mabini sa probinsya ng Batangas.
Namahagi ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A), sa pangunguna ni OIC-Regional Executive Director Fildel Libao at Batangas District-2 representative, Congresswoman Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng mga suportang pang-agrikultura para sa mga magsasaka ng San Pascual at Mabini.
Ang mga naihatid na interbensyon ay binubuo ng traktora, mga binhing gulay at mais, at mga pataba mula sa mga banner programs ng Kagawaran. Ang mga ito ay inaasahang makakatulong sa pagpapataas ng produksyon sa dalawang bayan.
Tinanggap ng Empowerment and Reaffirmation of Paternal Abilities Training (ERPAT) ng bayan ng San Pascual at Estrella De Mabini Farmers Association mula sa bayan ng Mabini ang mga naturang suporta.
Ipinaabot ni Director Libao ang pagbati sa mga benepisyaryong samahan at sinuguro ang patuloy na suportang ihahatid ng Kagawaran para sa mga magsasaka ng CALABARZON.
Hinikayat naman ng pangulo ng ERPAT na si G. Remando Flores ang kanyang mga kasamahan na mas magsumikap pa at patuloy na makiisa sa kanilang mga gawain sa samahan. Aniya, sisikapin nilang palaguin ang kanilang produksyon at pangangalagaan ang makinarya para sa sama-samang pag-unlad ng bawat miyembro ng samahan. ####