Aabot sa P6,813,000-halaga ng tulong-pinansyal at fuel discount cards ang naipagkaloob ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa bayan ng Buenavista, San Narciso, Mulanay, San Francisco, Catanauan, at General Luna, Quezon noong 11-13 Oktubre 2022.
Mahigit 984 na magpapalay ang nakakuha ng tig-lilimang libong piso (P5,000) habang 631 na magmamais at mangigisda naman ang nakatanggap ng fuel discount cards na naglalaman ng tatlong libong piso (P3,000).
Mula ito sa Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) at Fuel Discount Program for Corn Farmers and Fisherfolk programs ng kagawaran.
Sa pangunguna ng mga kawani ng DA-4A at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay ipinaliwanag sa mga magsasaka at mangingisda ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at ang pagiging rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) upang tuluyang makatanggap ng ganitong klaseng mga interbensyon.
Ani Arsenio Amado, magpapalay mula Buenavista, Quezon, na pangalawang beses nang nakinabang sa RCEF-RFFA, ipambibili niya ang limang libong natanggap ng abono at gamot pang-spray sa kanyang mga tanim. #### (ย ย Danica Daluz)