Maunlad na kinabukasan ang naghihintay sa industriya ng virgin coconut oil at dairy cattle sa lalawigan ng Quezon matapos pormal na iginawad ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project Regional Project Coordination Office Calabarzon (DA-PRDP 4A) at lokal na pamahalaan ng Quezon ang dalawang proyektong pang-negosyo nito sa dalawang farmers cooperatives and associations (FCAs) ng mga magsasaka ng niyog at dairy cattle sa Pagbilao at Sariaya, Quezon.
Ang mga nasabing proyekto ay ang Processing and Marketing of Virgin Coconut Oil in Quezon Province na may halagang Php 70,525,000.10 na tinanggap ng Quezon Federation and Union of Cooperatives sa Pagbilao, at ang Establishment of Dairy Multiplier Farm na nagkakahalaga ng Php 19,913,408.64 na iginawad sa Palcon Dairy Multipurpose Cooperative sa Sariaya. Layon ng mga proyektong itong palawakin at palakasin ang negosyo ng mga FCAs sa paggawa ng virgin coconut oil at processed milk na makakatulong sa pagpapataas ng kita ng mga magsasaka.
Taos-pusong pasasalamat ang inihatid ng dalawang FCAs sa DA-PRDP at sa Quezon LGU. Anila, sisikapin nilang mapanatili at mapalawak ang kanilang mga negosyo. Samantala, ipinahayag ni Engr. Redelliza Gruezo, Deputy Project Director ng DA-PRDP 4A na patuloy na magbibigay ng akma at makabuluhang suporta ang DA-PRDP 4A at DA Regional Field Office Calabarzon (DA-4A) sa mga FCAs. Hinikayat din niya ang mga LGUs na magmungkahi pa ng mga proyekto sa DA-PRDP Scale-Up, ang mas pinalawak na bersyon ng DA-PRDP na magsisimula sa susunod na taon.
Kasama rin sa seremonyas si Dra. Helen Tan, punong lalawigan ng Quezon at si DA-4A Regional Technical Director for Research and Regulations Fidel Libao.#