Kampante ang Provincial Agricultural and Fishery Council (PAFC) ng Quezon na tatanghaling “national winner” para sa “Outstanding PAFC” ng 2018-19 Gawad Saka Search. Ito ay bunsod sa ginawang “evaluation” ng “national validators” kamakailan lamang.
Ang positibong pahayag ay ginawa ni PAFC Chairwoman Flordeliza S. Maleon ng Quezon.
Ang koponan ng nasyonal gawad saka komite na dumating ay pinangunahan nina G. Alvin Racho, G. Ken P. Eleazar at G. Melchor Aranzazo ng DA-Philippine Council for Agriculture and Fisheries (PCAF); Gng. Julie G. Santos ng DA-Central Office at Gng. Celedonia R. So ng Department of Interior and Local Government (DILG). Sinabi ni G. Racho, “na tatlo ang napiling nagpapaligsahan sa kategoryang ito, ang dalawa pa ay ang Sultan Kudarat at Ilagan City sa Isabela”.
Pagkatapos ng table evaluation, pinuntahan nila ang mga natataging kooperatiba at proyekto na natulungan ng PAFC kagaya nang: Bigkis Hawak Kamay Cooperative sa Agdangan na gumagawa ng Yema mula sa Niyog; Yakap at Halik Multi-purpose Cooperative; Multiplier Farm sa Padre Burgos; Quezon Herbal Pavilion; Quezon Food and Herbal Processing at ang paghahanda ng Niyogyugan Festibal 2019 para sa darating na Agosto 16 hanggang 26 na kabilang ang PAFC sa komite.
Ang Gawad Saka ay pinakamataas na parangal na iginagawad ng Kagawaran ng Pagsasaka sa mga magsasaka, mangingisda, mga samahan at indibidwal na may katangi-tanging ambag na naibahagi sa pagpapaunlad ng agrikultura sa rehiyon at bansa. ● NRB, DA-RAFIS